Ayon sa ulat ngayong araw ng Yonhap News Agency ng Timog Korea, wala nang namamataang manggagawa ang Hilagang Korea sa Kaesong Industrial Region, at dalawang araw nang naitigil ang opeasyon ng rehiyong industriyal na ito. Ipinahayag nang araw ring iyon ng Ministri ng Reunipikasyon ng Timog Korea, na buong lakas itong magsisikap para magbigay ng tulong sa mga bahay-kalakal sa Kaesong Industrial Region.
Napag-alaman, hanggang alas-otso ng umaga nang araw ring iyon, mayroong 406 na mamamayan ang T.Korea sa Kaesong Industrial Region; bukod dito, may roon ding dalawang manggagawang Tsino doon. Binabalak naman ng 115 sa mga ito na lisanin ang Kaesong patungong T.Korea.
Ipinahayag naman ni Kim Hyeongseok, Tagapagsalita ng Ministri ng Reunipikasyon ng Timog Korea, na ikinalulungkot ng kanyang bansa ang pagtigil ng operasyon ng nasabing rehiyong industriyal, pero, hanggang sa kasalukuyan, wala pang anumang pahayag ang H.Korea na magbabago ang paninindigan nito. Ani Kim, puspusang magsisikap ang kanyang pamahalaan para magbigay ng tulong sa pagpapadala ng delegasyon ng mga bahay-kalakal ng T.Korea na nakabase sa Kaesong Industrial Region patungo sa H.Korea, batay sa kanilang kagustuhan.
salin:wle