|
||||||||
|
||
http://mod.cri.cn/fil/podcast/20160527dunhuang.m4a
|
Narito ang isang balita, sa buwan ng Mayo, kauna-unahang sisimulan ang direktang linya ng tren sa pagitan ng Beijing at Dunhuang ng Lalawigang Gansu sa dakong kanluran ng Tsina. Noon, kung gusto mong pumasyal sa Dunhuang mula Beijing, dapat pumunta muna sa Lanzhou, Punong Lunsod ng Gansu, at mula rito, mag-transfer sa isa pang linya patungong Dunhuang. Salamat sa bagong linya ng tren, puwede nang direktang pumasyal sa Dunhuang mula Beijing.
Ang Dunhuang na nasa lalawigang Gansu sa dakong kanluran ng Tsina ay kilala dahil sa Mogao Grottoes, ito ang pinakamalaking yamang sining ng Buddhismo sa daigdig. Ang Dunhuang ay nasa sentro ng "Silk Road" noong sinaunang panahon at dito naghalo ang kulturang silangan at kanluran.
Alas onse kuwareta (11:40 pm) bawat araw, lumilisan ang tren na may numero K41 mula sa Beijing at pagkaraan ng 38 oras at 40 minuto, darating ito sa Dunhuang. Ang kabuuang haba ng daambakal ay 2,422km, at dumaraan ito sa mga istasyon ng Yinchuan, Zhongwei, Zhangye, at Jiayuguan; ang mga ito rin ay kilalang lugar na panturista. Ang tiket mula Beijing hanggang sa Dunhuang ay mula 273.5 yuan hanggang 734.5 yuan RMB, depende sa klase.
Sa mga tren, makikita ang mga palamuti at larawan na may katangian ng kultura ng Dunhuang at Mogao Grottoes. Dito, hindi lamang malalaman ng mga pasahero ang mga kuwento at kasaysayan ng Dunhuang, kundi maaari rin silang makatikim ng mga tsibog na katutubo ng Dunhuang.
Tanong: ano ang kahulugan ng salitang Dunhuang? Ang salitang "Dun" ay nangangahulugang "malaki," samantalang ang salitang "huang" ay "maunlad." Ito'y nasa sentro ng komunikasyon ng "Silk Road" at dito naghalo ang kulturan ng silangan at kanluran. Malago ang kalakalan nang panahong iyon at nakakalat saan man ang mga templo't monasteryo. Isa itong napakaunlad na lunsod. Dito nagsimulang pumasok ang Buddhismo, mula sa kanluran, patungo sa interyor ng Tsina. Isa pang tanong, kalian binuksan ang "Ancient Silk Road?" Ayon sa ating pananaliksik, noong 139 BC hanggang 119 BC, dalawang ulit na isinugo si Zhang Qian ng Han Dynasty sa dakong kanluran at sa gitang Asya. Siya ang nagbukas ng "Ancient Silk Road" na tumatawid sa kontinente ng Asya at humantong sa palitan ng kultura't ekonomiya ng Tsina't kanluran.
Sa napakatarik at malalim na bangin sa silangang paanan ng bundok Mingsha, sa dakong timog kanluran ng lunsod Dunhuang ay may malalaki't maliliit na kuwebang pinagdugtong ng mahahaba't maliliit na landas. May mga miyural at kinulayang mga istatwang pawang may kaugnayan sa Budhismo ang makikita sa paligid ng kuweba. Ito ang Mogao Grottoes.
Ang Mogao Grottoes ang pinakamalaking yamang ng sining ng Buddhismo sa daigdig. Malawak ang saklaw at masagana sa nilaliman, ito ang hiyas ng kasaysayan ng kultura't sining ng Tsina at maluningning na perlas ng kultura't sining ng sinaunang silangan. Noong 1961, ipinroklama ito ng Konseho ng Estado ng Tsina bilang mahalagang yunit ng pangangalaga sa relikyang pangkultura sa buong bansa.
Sinimulang hukayin ang Mogao Grottoes noong taong 399 AD. Mula noon hanggang panahon ng Yuan Dynasty, ang mga kuweba'y hinukay sa loob ng 10 dinastiya o mahigit 1,500 taon. Ang kasagsagan ng paghuhukay at pagkukumpuni ay ginawa ng Western Xia Dynasty sa hilagang kanluran ng Tsina Pero, nang panahon iyon, dahil sa panghihina ng ekonomiya at pagkawalang-bisa ng bisa ang Silk Road, nanlupaypay ang Mogao Grottoes.
Humito ang paghuhukay pagkaraan ng Yuan Dynasty. Ang Mogao Grottoes ay unti-unting muling binigyang pansin ng mga tao noong 1900, nang matuklasan ng Taoistang si Wang Yuanlu ang kuwebang Tripitaka sa Mogao Grottoes. Mabuting napreserba sa kuweba ang mga dokumento ng nakarang mga dinastiya, pati mahigit 40,000 relikyang pangkulturang kinabibilangan ng mahigit 1,000 klasikal na pinturang Tsino sa sutla, mga larawang inukit, mga burda at napakaraming gawang kaligrapiya.
Ang pagkakatuklas na ito'y yumanig sa daigdig at itinuring bilang pinakamahalagang tuklas sa kasaysayan ng kultura ng daigdig, sa nakaraang siglo. Kaya sunud-sunod na pumarito ang mga adbenturista at marami ngang mahahalagang relikya ang kanilang ninakaw at ipinadala sa London, Paris, Moscow, Tokyo at iba pang lugar. Noong 1943, ang Mogao Grottoes ay naging pag-aari ng estrado at itinayo roon ang Dunhuang Arts Research Institute. Dito sinimulan ang panganglaga at pananaliksik sa Mogao Grottoes.
Pagkaraan ng mahigit 1,500 taong pananalanta ng hangin at buhangin, hanggang sa ngayo'y nakatayo pa rin sa Mogao Grottoes ang mahigit 750 kuweba na itinayo ng 10 dinastiya.
Sa loob nito'y may 45,000 metro kwadradong miyural, mahigit 3,000 kinulayang istatwa at 5 estrukturang tabla na nagmula pa noong mga Tang at Song Dynasties. Mga istatwang may kulay at miyural ang pinakamarami at pinakamasagana. Ang mga ito'y naging atraksyon ng Mogao Grottoes. Sa loob ng kweba'y may mahigit 3,000 kinulayang istatwa, ang malaki'y mahigit 30 metro ang taas at ang maliit ay mahigit 10 sentimetro lamang.
Kapag idinugtong ang taas ng mga miyural, ito ay aabot sa 30 km, at kaibilang sa nilalaman nito ang mga kwento ng buhay ng Buddha, tripitaka, istatwa, pigura ng tao at dibuhong pampalamuti. Makikita sa miyural ang iba't ibang aktibidad panlipunan, tulad ng paglalakbay ng emperador, pagtatanim ng magsasaka, pangingisda, pangangaso, pagtunaw ng bakal, paggawa ng alak, pagkakasal, pagbebenta ng kalakal, pagtatagpo ng mga sugo, pagtugtog ng musika, awit, sayaw at mga palabas at samut--saring mga aktibidad. Mahigit sa kalahati ng mga kinulayang istatwa at mga miyural ang likha sa panahon ng Sui at Tang Dynasties.
Ang sining ng Buddhismo ang gamit sa mga sinaunang sining ng Tsina. Ang di-maiiwasang kahihinatnan ng pagpapalaganap ng Buddhismo ay ang paglikha ng mga istatwa't miyural ukol sa Buddhismo. Ang nakapanghihinayang, sanhi ng elemento ng kalikasan at ng tao, hindi na natin makikita ngayon ang maraming likhang sining ng Buddhismo. Pero dahil sa ang Mogao Grottoes ng Dunhuang ay nasa tuyong klima ng Disyerto sa hilang kanluran, bihira itong marating ng mga tao. Kaya, mahusay na napreserba ang mga kinulayang istatwa at miyural at atin makikita ang maningning na mga obramaestra sa panahon ng kasagsagan ng sining ng Buddhismo. Ito nga ang dahilan ng pag-okupa ng napakahalagang posisyon ng Mogao Grottoes ng Dunhuang sa kasaysayan ng sining at kung bakit ito'y naging kagila-gilalas, kahanga-hanga't kabigha-bighani.
salin:Wle
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |