|
||||||||
|
||
Ang Taishan ay nasa lalawigang Shandong. Nakatayo sa pagitan ng Jinan, Changqing, Feichen at Tai-an. Walumpung (80) kilometro ang haba ng paligid, at sumasaklaw sa 426 na kilometro kuwardo. Noong unang panahon, ito ay tinatawag na Daishan o Dai zong. Pinalitan ito ng pangalan at tinawag na Taishan noong Spring at Autumn Period. Ang Yuhuangding na pangunahing taluktok nito, ay nasa kalunsuran ng Tai-an, na 1545 metro mula sea level.
Ayon sa alamat, noong sinaunang panahon, pagkamatay ng tagapagsalita ng langit at lupa na si Pangu, ang kanyang ulo'y naging Kabundukan sa Silangan ng Kabundukan Taishan. Ayon naman sa isang aklat ni Ren Rifeng ng Dinastiyang Liang: noong unang panahon, pagkamatay ni Pangu, naging apat na bundok ang kanyang ulo, naging araw at buwan ang kanyang mga mata, naging ilog at dagat ang kanyang taba't dugo at naging damo't punong-kahoy ang kanyang buhok at balahibo. Ayon naman sa alamat noong mga dinastiyang Qin at Han, naging Bundok Silangan ang ulo ni Pangu, naging Gitnang Bundok ang tiyan, naging Timog Bundok ang kaliwang bisig, naging Hilagang Bundok ang kanang bisig at Kanlurang Bundok ang mga paa……. sa gayon, nangunguna sa limang bundok ang Taishan.
Kilala sa magadang tanawin ang Taishan. Ang siksikang kabundukan, ang higanteng anyo nito, ang luntiang pine tree, malalaking bato pati ang pabagu-bagong ulap, ang lahat ng ito'y nagpaparikit sa maalamat at payapang kabundukang ito.
Sapul noong unang panahon, sumasamba na sa Kabundukang Taishan ang mga Tsino. Itinuturing itong sagisag ng katatagan ng bansa, katibayan ng kapangyarihang pampulitika, kasaganaan ng estado at pagkakaisa ng nasyong Tsino. May kasabihang "kapag matiwasay ang Taishan, matiwasay ang buong bansa." Ang Kabundukang Taishan ang tanging kilalang kabundukan na pinagkalooban ng mga emperador ng Tsina ng karangalang may kaugnayan sa Budismo.
Pabagu-bago ang tanawin paakyat sa paliku-likong daan, ito ang dinadaanan ng mga emperador sa pag-akyat sa kabundukan. Hangang-hanga sa Taishan ang mga iskolar noong sinaunang panahon, kaya nagsisitungo sila doon upang mamasyal, sumulat ng mga tula, at gumuhit. Umaabot sa mahigit 1,000 ang mga nakathang tula mula rito. May mahigit 20 sinaunang arkitektura ang naiwan sa napakalawak na kabundukan ng Taishan at mayroon din ditong mahigit 2,200 inukitang batong lapida. Ang Kabundukang Taishan ay lugar ng pagsamba ng mga Budista at Taoista, kaya maraming templo at matulaing purok sa kabundukan.
Isa sa mga Parkeng kabundukan ng Tsina ang Kabundukang Taishan, ito rin ay likas na pangkasaysayan at pansining na museo at karapat dapat na taguriang kabang-yaman ng relikyang kultural. Karaminhan sa mga makasaysayang relikya ay nakabudbod sa magkabilang tabi ng daan. Sa mga kilalang kabundukan sa Tsina, ang Kabundukang Taishan ang siyang may pinakamarami at pinakamagandang lilok na bato. Sa daan papunta sa Templo ng Dai Miao hanggang sa Templo ng Bixia sa ituktok ng kabundukan, maraming inukitang lapida at sinaunang arkitektura.
May mayamang likas na pamana ang Kabundukang Taishan, may 112 bundok, 98 bangin, 18 yungib, 58 kakatwang bato, 102 sapa sa pagitan ng bangin, 56 lawa at talon at 64 batis: ang lahat ng ito'y pinangalanan na noon pa mang unang panahon. Mayroon doong 144 angkan ng halaman at 989 klase ng halaman, Umaabot din sa 79.9% ang lupang natatakpan ng punong kahoy.
Nang umakyat sa Taishan si Confucius, madamdaming sinabi niya na parang lumiit ang daigdig. Itinuturing naman ng bantog na manunulat Tsino na si Guo Moruo ang Taishan na isang bahagi ng kasaysayang pangkultura ng Tsina. Sa katunayan ang Taishan ay kabang yaman ng relikiya at matulaing purok ng turismo na nangunguna sa daigdig.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |