Ipinahayag ngayong araw ng departamentong meteorolohikal ng Tsina na bagama't umulan nitong dalawang araw na nakalipas sa mga apektadong lugar ng tagtuyot sa hilagang bansa, limitado ang epekto nito sa pagpapahupa ng tagtuyot. Buong sikap pa ring isinasagawa ng naturang mga lugar ang iba't ibang hakbangin laban sa tagtuyot.
Mula noong huling dako ng nagdaang buwan, dahil sa mainit na panahon at kakulangan sa ulan, naganap ang malubhang tagtuyot sa ilang lugar sa hilagang Tsina. Ayon sa estadistika hanggang kahapon, mahigit 11 milyong hektaryang pananim ang naaapektuhan at may problema sa tubig inumin ang 3.9 milyong tao at mahigit 4.3 milyong hayop.
Pawang pinasimulan ng pambansang pamunuan laban sa baha at tagtuyot, pambansang lupon sa pagbabawas ng kapahamakan at ministri sa mga suliraning sibil ng Tsina ang pangkagipitang plano laban sa tagtuyot. Bukod dito, ilalaan ng ministri sa mga suliraning sibil at ministri ng pananalapi ang pangkagipitang pondo sa mga apektadong lugar para malutas ang kahirapan sa pamumuhay ng mga mamamayang lokal.
Salin: Liu Kai