Nag-usap ngayong araw sa Tokyo sina Akitaka Saiki, puno ng delegasyong Hapones sa 6 Party Talks at Stephen Bosworth, espesyal na kinatawan ng E.U. sa isyu ng Hilagang Korea. Kinumpirma ng dalawang panig na dapat idaos ang bilateral na diyalogo ng E.U. at H.Korea sa loob ng balangkas ng 6 Party Talks.
Sa pag-uusap, ipinahayag ni Saiki na kung hindi itatakwil ng H.Korea ang planong nuklear sa masisiyasat na paraan, hindi makikipagdiyalogo dito. Ipinahayag naman ni Bosworth na kung hindi ipapatupad ng H.Korea ang obligasyong itinakda ng magkasanib na pahayag na narating sa 6 Party Talks noong taong 2005, hindi isasagawa ng E.U. ang bilateral na diyalogo sa H.Korea sa anumang porma.
Salin:Sarah