|
|
|||||||
| |
||||||||
|
||
Ipininid kahapon dito sa Beijing ang taunang Central Economic Work Conference ng Tsina kung saan ipinasiya ng Pamahalaang Tsino na sa susunod na taon, patuloy na pairalin ng bansa ang proaktibong patakarang piskal at maluwag-luwag na patakaran sa salapi at kasabay nito, dapat ding pasulungin ang pagbabago ng pamamaraan ng pagpapaunlad ng pambansang kabuhayan at ibayo pang palawakin ang pangangailangang panloob, lalong lalo na ng pangangailangan sa konsumo ng mga mamamayan.
Ang taunang Central Economic Work Conference ay ang pulong na pangkabuhayan ng Tsina na may kataas-taasang antas at ang layon nito ay itakda ang direksyon ng pag-unlad ng kabuhayan sa susunod na taon.
Napag-alamang may pagtatalo hinggil sa pagpapataas ng kita ng mga mamamayan sa Tsina dahil sa pangamba na kung magkakagayon, bibigat ang pasanin ng mga bahay-kalakal at mauuwi ito sa implasyon. Gayunpaman, sa katatapos na pulong, ipinasiya ng Pamahalaang Tsino na pag-ibayuhin ang pagsasaayos sa pamamahagi ng national income para mapasulong ang pangangailangan sa konsumo ng mga mamamayan. Kaugnay nito, ganito ang sinabi ni G. Yuan Gangming, dalubhasa mula sa Tsinghua University.
"Sa Tsina, nananatili ang penomenon na kulang sa konsumo o bumababa ang proporsyon ng konsumo at ang pangunahing dahilan nito ay ang pananatiling mababang kita ng mga mamamayan. Kung hindi tataas ang kita ng mga mamamayan, hindi nila kakayaning mamili. Bilang tugon, sa katatapos na economic conference, ipinagdiinan ng pamahalaan na itaas ang kita ng mga mamamayan."
Bilang tugon naman sa pagtaas ng presyo ng pabahay, ipinasiya ng kapipinid na pulong na dagdagan ang suplay ng mga karaniwang commercial housing at welfare housing. Kaugnay nito, sinabi ni Gng. Zuo Xiaolei, Punong Ekonomista mula sa China Galaxy Securities Co., na ang pagtaas ng kita ng mga mamamayan ay hindi lamang tumutukoy sa pagtaas ng kitang salapi at kung bababa ang kanilang gastos sa pagbili ng bahay, ito ay magiging katumbas ng pagtaas ng kanilang kita. Idinugtong niya na:
"Halimbawa, ang pagpapaibayo ng laang-gugulin ng Pamahalaang Sentral sa welfare housing ay magpapataas ng kita ng mga mamamayan. Ito ang dahilan kung bakit ipinagdiinan ng pulong na pabutihin ang pamumuhay ng mga mamamayan sa pamamagitan ng mga patakarang piskal."
Binigyang-diin din ng pulong na dapat hikayatin ang mga magsasaka na magtrabaho sa mga lunsod at paluwagin ang kanilang household registration para mapasulong ang urbanisasyon. Tungkol dito, sinabi ni G. Yuan Gangming, dalubhasa mula sa Tsinghua University na:
"Malaki ang populasyon ng mga maliit at katamtamang-laking lunsod ng Tsina at ang pagpapasulong ng pag-unlad ng nasabing mga lunsod ay isa pang magandang paraan para mapalawak ang konsumo."
Napag-alamang kung mapapaluwag ang household registration sa mga maliit at katamtamang laking lunsod, makakatulong ito sa paninirahan ng mga migrant workers, iyong mga magsasaka na nagtatrabaho sa mga lunsod, at sa gayon, hindi lamang ito makakalikha ng malaking espasyo ng paglaki ng konsumo, kundi makakatulong din sa pagpapaliit ng agwat sa pagitan ng mga nayon at lunsod.
| © China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |