"Hindi dapat mag-away ang Tsina at Pilipinas dahil sa isyu ng South China Sea" (Feliciano Belmonte Jr., Ispiker ng Kamara De Representantes)
Beijing – Ipinahayag ngayong araw dito ni Feliciano Belmonte Jr., Ispiker ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ng Pilipinas na kailangang pag-usapan ng Tsina, Pilipinas at mga bansang ASEAN ang mga may-kinalamang isyu hinggil sa South China Sea.
Sa isang interbyu, sinabi ni Belmonte na ang Tsina at Pilipinas ay may mahabang relasyon ng pagkakaibigan at ang kapwa bansa ay may claim sa mga isla na nasa South China Sea, pero binigyang-diin niyang hindi ito dapat maging dahilan upang mag-away ang dalawang bansa.
Idinagdag niyang dapat ay mapanatili ang katatagan at katiwasayan sa rehiyong ito, sa pamamagitan ng pag-uusap-usap ng lahat ng may-kinalamang panig.
"We also understand iyong interes ng mga iba. Kaya, kailangang tayu-tayo na mismo sa region na ito, tayo na may direct contact, direct interest --- at tayo mismo ang maapektuhan kung sasama ang situwasyon dito, tayo mismo ay kailangang nagkakausap-usap," ani Belmonte.
Sinabi ni Belmonte na nakikita niyang ang great interes ng Tsina at Pilipinas sa isyung ito ay pareho, at kailangang makinabang ang kapwa bansa sa mga teritoryong naririto, pero, ang pinakaimportante ay ang pagpapanatili ng katatagan at kapayapaan. "That is something we all aspire for," dagdag ni Belmonte.