|
||||||||
|
||
Ayon sa Joint Press Statement na ipinalabas kahapon sa Beijing ng Tsina at Pilipinas, nagpalitan ng palagay ang mga ministrong panlabas ng dalawang bansa hinggil sa hidwaan ng dalawang panig sa dagat, ipinalalagay nilang ang hidwaang ito ay hindi dapat makaapekto sa pangkalahatang kalagayan ng pagkakaibigan at pagtutulungan ng dalawang bansa at inulit nila ang paggalang at pagtalima sa Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea na nilagdaan noong 2002 ng Tsina at mga bansang ASEAN.
Nang araw ring iyon, nakipagtagpo sa Beijing si Pangalawang Pangulong Xi Jinping ng Tsina kay Albert Del Rosario, dumadalaw na Kalihim ng Suliraning Panlabas ng Pilipinas. Inilahad ni Xi ang mga patakarang diplomatiko ng Tsina at nagbigay-diin siya sa paggigiit ng kanyang bansa sa mapayapang pag-unlad. Aniya pa, nakahanda ang Tsina, kasama ng Pilipinas, na pasulungin ang walang humpay na pagtatamo ng bagong progreso ng relasyong Sino-Pilipino.
Nakipag-usap din kay Del Rosario si Ministrong Panlabas Yang Jiechi. Binigyang-diin nilang batay sa diwa ng nabanggit na deklarasyon, magkasamang magsisikap ang dalawang bansa para sa kapayapaan at katatagan sa South China Sea.
Sinabi naman ni Del Rosario na ang pagpapaunlad ng relasyon sa Tsina ay isa sa mga pinakamahalagang gawaing diplomatiko ng pamahalaang Pilipino. Nakahanda aniya ang Pilipinas, kasama ng Tsina, na pasulungin ang kanilang bilateral na relasyong may mutuwal na kapakinabangan at pagtitiwalaan sa pamamagitan ng pagdadalawan sa mataas na antas at pagpapalitan at pagtutulungan sa iba't ibang larangan.
Salin: Liu Kai
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |