Nakipag-usap kahapon dito sa Beijing si Chen Bingde, Puno ng Pangkalahatang Estado Mayor ng People's Liberation Army (PLA) ng Tsina, kay Mike Mullen, Chairman of the Joint Chiefs-of-Staff ng Estados Unidos. Sa isang news briefing pagkatapos ng pag-uusap, sinabi ni Chen na paulit-ulit na nagpahayag ang panig Amerikano na hindi ito makikisangkot sa hidwaan sa South China Sea, ngunit nagpalabas naman ito ng salungat na signal sa porma at substansiya. Aniya pa, sa kasalukuyang sensitibong panahon, hindi tugma ang pagtataguyod nito ng pagsasanay militar, kasama ng Pilipinas at Biyetnam sa South China Sea.
Kinatagpo rin ni Mullen nang araw na iyon si Guo Boxiong, Pangalawang Tagapangulo ng Komisyong Militar ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina, at binigyang-diin ni Guo sa pagtatagpo, na ang isyu ng Taiwan ay may kinalaman sa nukleong kapakanan ng panig Tsino. Hinimok ng panig Tsino ang panig Amerikano na tumalima sa tatlong magkasanib na komunike ng Tsina at Estados Unidos, at huwag magbenta ng sulong na sandata sa Taiwan.
Sa kaniya namang pakikipagtagpo nang araw ring iyon kay Mullen, ipinahayag ni Liang Guanglie, Ministro ng Tanggulang Bansa ng Tsina, na umaasa siyang mapapalakas pa ang estratehikong pagtitiwalaan ng dalawang panig at taos-pusong ituturing ng dalawang bansa ang isa't isa bilang kaibigan.
Salin: Li Feng