|
||||||||
|
||
Ayon sa mga datos na ipinalabas kahapon ng Pambansang Administrasyon ng Estadistika, noong unang hati ng taong ito, umabot sa 9.6% ang paglaki ng Gross Domestic Product (GDP) ng Tsina kumpara sa gayunding panahon ng tinalikdang taon samantalang umabot naman sa 5.4% ang Consumer Price Index (CPI).
Kaugnay nito, ganito ang tinuran ni G. Sheng Laiyun, Tagapagsalita ng nasabing administrasyong Tsino.
"Kung ihahambing sa medyo mabilis na paglaki noong araw bunsod ng mga ginawang insentibong patakaran ng Tsina, sa huling hati ng taong ito, inaasahang magkakaroon ng katamtamang paglaki ang pambansang kabuhayan."
Idinagdag naman ni G. Wang Yuanhong, Mananaliksik mula sa State Information Center, na:
"Salamat sa mga ipinalabas na pambansang patakaran na may kinalaman sa pagpapasigla ng pamimili, pamumuhunang di-pampamahalaan at mga bagong-usbong na industriya at sa pagpapaibayo ng suporta sa mga rehiyon ng pambansang minorya na gaya ng Tibet at Xinjiang, inaasahan natin ang katamtaman at matatag na paglaki ng kabuhayan."
Pero, ikinababalisa ng mga mamamayan ang pagtaya sa patuloy na paglaki ng CPI dahil nitong nagdaang Hunyo, nakalikha ito ng record high na 6.4% nitong tatlong taong nakalipas. Kaya, ipinalalagay ng mga dalubhasang Tsino na kaugnay ng pambansang kabuhayan ng Tsina sa hulong hati ng taong ito, ang pinakamalaking hamon ay kung papaanong mahahawakan ang relasyon sa pagitan ng pagpapanatili ng katamtamang tatag at may kabilisang paglaki ng kabuhayan, pangangasiwa sa inflation expectation at pagsasaayos sa estrukturang pangkabuhayan.
Salin: Jade
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |