|
||||||||
|
||
Pamumunuan ni Akbayan Party List Congressman Walden Bello and tatlo pang mambabatas sa pagdalaw sa Kalayaan Islands sa kanyang tinaguriang "Sovereignty and Peace Mission."
Kasama ni Ginoong Bello sina Congresswoman Kaka Bag-ao, Teddy Baguilat ng Ifugao at Ben Evardone ng Eastern Samar at mga mamamahayag sa paglalakbay bukas.
Ayon sa tanggapan ni Ginoong Bello, layunin ng paglalakbay na ito na suportahan ang paninindigan ng Pilipinas sa 200-Mile Exclusive Economic Zone at sa kapuluan ng Spratlys na nasa loob ng sona, maipakita na walang bansang nagmamay-ari ng South China Sea na ngayong kilala sa pangalang West Philippine Sea ng ilang media ng Pilipinas, maipakita sa mundo ang paninindigan ng Pilipinas at ng mga kalapit bansa na ang mga 'di pagkakaunawaan sa mga hangganan sa karagatan ay malulutas sa mapayapang paraan sa pamamagitan ng multilateral diplomacy at mabigyan ng moral support ang mga kawal na nakadestino sa Spratlys at ang mga mamamayang naninirahan doon.
Layunin din ng grupo ni Ginoong Bello na mangalap ng impormasyon na susuporta sa legislative action upang higit na mapalakas ang sandatahang lakas sa pook.
Ani Ginoong Bello, mahalaga ang kanilang paglalakbay doon sapagkat maghahatid ito ng maliwanag na mensahe sa People's Republic of China na ang Pilipinas ay hindi tatalikod sa paghahabol nito sa kanyang nasasakupan kahit pa mayamang bansa na ang Tsina.
NAGPAABOT naman ng pagkabahala ang panig ng Tsina sa napipintong paglalakbay na gagawin ng grupo ni Ginoong Bello.
Ayon kay Ethan Y. Sun, tagapagsalita ng Embahada ng Tsina sa Kamaynilaan, ang gawaing ito'y taliwas sa itinatadhana ng napagkasunduang magiging gawi ng mga naghahabol sa mga kapuluan sa karagatang nasa kanluran ng Pilipinas.
Idinagdag pa ni Ginoong Sun na wala namang matatamo ang paglalakbay na ito liban na lamang sa makapagdulot ng pangamba sa kapayapaan at kaayusan ng rehiyon at makapipinsala sa magandang relasyon ng Tsina at Pilipinas. Taliwas umano ang pagdalaw na ito sa nilalaman ng Declaration of Conduct of Parties na nilagdaan noong 2002 ng mga bansang may interes sa mga kapuluang ito.
Ipararating ng Tsina ang pagkabahalang ito sa pamahalaan ng Pilipinas, dagdag pa ni Ginoong Sun.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |