Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Pormal na pahayag ng Pilipinas at Tsina, inilabas na

(GMT+08:00) 2011-09-01 19:34:06       CRI

MATAPOS ang isang masayang paglalakbay ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III sa Great Wall of China at paglalakad sa bantog na Forbidden City, maituturing na isang tagumpay ang kanyang paglalakbay sa Beijing.

Bilang pagkilala sa kanyang pagdalaw doon, binigyan siya ng isang aklat na naglalaman ng mga kwento tungkol sa may 400 pinuno ng iba't ibang bansang dumalaw at lumakad sa Great Wall of China, binigyan din siya ng isa pang ala-ala na naglalaman ng mga larawan ng Great Wall of China na kinuha sa gabi at isang sertipiko na nagpapatunay na siya'y dumalaw sa pinaka-sikat na tourist spot sa Tsina.

Pinapurihan ni Pangulong Aquino ang mga negdisenyo at gumawa ng Great Wall of China. Kamangha-mangha umano ang kanilang galing at talino.

Ito rin ang kanyang impression sa pagdalaw sa Forbidden City. Hindi umano siya magtataka sa bilang mga dumadalaw sa magandang lugar na ito sa Beijing.

GANAP na ika-lima ng hapon ngayong araw na ito inilabas ng magkabilang panig ang isang joint statement tungkol sa pagdalaw ni Pangulog Benigno Simeon C. Aquino III sa Tsina mula kahapon hanggang sa darating na Sabado.

Nakatakdang umalis ng Beijing si Pangulong Aquino patungong Shanghai sa pagpapatuloy ng kanyang paglalakbay na layuning makakuha ng mas maraming kalakal sa mga kumpanyang Tsino.

Ayon sa joint statement na nilagdaan nina Pangulong Aquino at Pangulong Hu Jintao ng Tsina, naging matagumpay at mabunga ang kanilang pag-uusap. Nakaharap din ni Pangulong Aquino sina Wu Bangguo, Chairman ng Standing committee ng National People's Congress at Ginoong Wen Jiabao, Premier ng State Council. Naging maganda ang pagbabahaginan nila ng mga pananaw tungkol sa relasyon ng Pilipinas at Tsina sa nakalipas na 36 na taon mula ng maitatag ang relasyon noong ika-siyam ng Hunyo, 1975. Inulit nila ang kanilang pangakong itutuloy ang pangmatagalan at maayos na relasyon at pagtutulungan na ang sandiga'y paggalang sa isa't isa, pagiging patas at magdudulot ng benepisyo sa bawat isa. Napagkasunduan din nilang gawing gabay sa lahat ng pagtutulungan ang nilagdaang kasunduan noong ia-29 ng Oktubre 2009 na pinamagatang Joint Action Plan for Strategic Cooperation.

Isa sa pinakamahalagang napag-usapan ng magkabilang panig ay ang kani-kanilang pananaw sa hindi pagkakaunawaan tungkol sa karagatan at nagkasundo silang huwag pabayaang makasira ito sa mas marubdob na pagkakaibigan ng dalawang bansa. Tutugunan ng dalawang bansa ang mga 'di pagkakasundo sa mapayapang pag-uusap, upang mapanatili ang kapayapaan sa rehiyon at mapapanatili ang isang matatag na kapaligiran na maghahatid ng kaunlaran. Nagkasundo sina Pangulong Aquino at Pangulong Hu na igagalang at susundin ang nilalaman ng Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea na nilagdaan ng Tsina at ng mga bansang kabilang sa ASEAN noong 2002.

Ipinagpasalamat ng dalawang pinuno ng bansa ang mga kasunduang nilagdaan ng magkabilang-panig sa larangan ng kalakal, economic at technical cooperation, turismo, nautical connectivity, media, palakasan, kultura at impormasyon.

Sa pagkilala ng pagiging magkalapit-bansa, binibigyang halaga ang matagal nang pagkakaibigan ng dalawang bansa, ang masiglang kalakalan at ang patuloy na people-to-people contacts sa mga nakalipas na daang taon at nangako ang dalawang pinuno na ipagpapatuloy ang kanilang pagtutulungan upang maghari ang kapayapaan at kaunlaran sa pagitan ng Pilipinas at Tsina.

Napagkasunduan ng magkabilang panig ang kahalagahan ng pag-uusap upang maitaguyod ang pagunawa at pagpapalawak ng pagtutulungan at pagpapatibay ng magandang pagsasamahan.

Nangako ang magkabilang panig na ipagpapatuloy ang regular na high-level exchanges, mga pagdalaw at pagpupulong ng mga pinuno, mga miyembro ng gabinete, mga mambabatas, ng opisyal ng mga hukuman, defense at military officials at local government officials. Nakasundo rin silang palakasin ang pagpapalitan ng kaalaman at karanasan sa pagitan ng mga kabataan, mga mangangalakal, mga alagad ng edukasyon, mga mamamahayag, mga alagad ng sining at palalakasin ang pagtitiwala sa pagitan ng dalawang bansa at mga mamamayan.

Sa gitna umano ng mabuway ng nadaigdigang ekonomiya, nagkasundo ang mga pinuno ng Pilipinas at Tsina na kilalanin ang mahalagang papel ng mga umuunlad na ekonomiya sa pagpapalakas ng economic at trade cooperation. Ang nilalaman ng Philippines-China Five Year Development Program for Trade and Economic Cooperation na magmumula sa susunod na taon hanggang 2016 ang magtutuon sa pagsasaka at pangingisda, infrastructure at public works, pagmimina, enerhiya at information and communications technology, processing at manufacturing, turismo, engineering services at forestry.

Patuloy na gagawin ng magkabilang panig ang pagpapalakas ng kalakalan sa pagitan ng dalawang bansa at inaasahang aabot sa US $ 60 bilyon sa taong 2016 at palalakasin ang trade structure, pagsusulong ng mas masiglang pagpapalitan ng investments at paghahanap ng mga bagong pook ng economic cooperation sa pamamagitan ng bago at renewable energy, shipping at pagpapaunlad ng mga daungan.

Suportado rin ng Tsina ang Public Private Partnership ng Pilipinas at tatawagan ng Tsina ang mga kwalipikadong mga kumpanya nito na lumahok sa subasta ng palatuntunang ito.

Nagpasalamat din ang Pilipinas sa Tsina sa ipiangkaloob nitong tulong sa iba't ibang economic, agricultural at infrastructure projects sa Pilipinas.

Paguusapan din ng Pilipinas at Tsina ang pagtatalaga ng nautical highway upang upang magkaroon ng bagong sigla ang bilateral trade at economic activities sa pagitan ng magkabilang panig na susuporta at tutulong sa pag-uugnayan ng ASEAN at Tsina.

Ikinatuwa rin ng magkabilang panig ang pagkakaroon ng dumaraming pagkakaibigan ng mga lungsod at lalawigan na nagiging daan upang maisulong ang mutual understanding sa Pilipinas at Tsina.

Ang taong 2012-2013 ay kinikilalang "Philippines-China Years of Friendly Exchanges" lalo't higit na lumampas na sa isang milyon ang bilang ng mga turistang dumalaw sa dalawang bansa. Layunin ng magkabilang panig na marating ang bilang na dalawang milyon ang dumalaw sa dalawang bansa pagsapit ng 2016.

Nagkasundo ang magkabilang panig na magtulungan sa pamamagitan ng existing bilateral agreements sa pamamagitan ng pagpapatupad ng isang tratadong pimamagatang Treaty between the Republic of the Philippines and the People's Republic of China Concerning Mutual Legal Assistance in Criminal Matters at madaliin ang pagkakaroon ng kasunduan sa pagpapalitan ng mga nahatulang mga bilanggo mula sa dalawang bansa. Palalakasin din ang pagtutulungan ng Pilipinas at Tsina upang masugpo ang transnational crimes tulad ng drug trafficking at trafficking in persons.

Napagkasunduan ng dalawang pinuno na higit pang palakasin ang pagtutulungan sa United Nations, Asia-Pacific Economic Cooperation, Asia-Europe Meeting, World Trade Organization, United Nations Climate Change Conference at iba pang mga regional at multilateral organization.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6392061806XX: Pagdalaw ni Dalai sa Taiwan hindi makakatulong sa pagkakaisa ng Taiwan at mainland. Dapat lumayo siya rito.
More>>