|
||||||||
|
||
Binuksan kahapon sa Jakarta, Indonesiya, ang ika-5 China - ASEAN Forum on Social Development and Poverty Reduction na may temang "Kalidad ng Paglaki at Pagpapahupa ng Kahirapan". Kalahok dito ang mahigit 200 personahe na kinabibilangan ng mga opisyal at dalubhasa mula sa Tsina't mga bansang kasapi ng ASEAN at mga kinatawan mula sa United Nations Development Programme o UNDP, ASEAN Secretariat, Asian Development Bank o ADB, at International Labor Organization o ILO.
Sa kanyang talumpati sa seremonya ng pagbubukas, sinabi ni G. Li Jinhua, Honorary President of China Association of Poverty Alleviation and Development, na ang pagpawi ng kahirapan at pagpapasulong ng pagbabahaginan ng mga bunga ng pag-unlad ng lipunan ay komong hangarin ng sangkatauhan at komong tungkulin ng Tsina at mga kasapi ng ASEAN. Sinabi pa niya na ang pagpapataas ng kalidad ng pag-unlad, ibig sabihin, kung papaanong makakatulong sa pagpapababa ng bilang ng mahihirap ang pagpapalago ng kabuhayan ay siyang komong target ng mga pamahalaan ng Tsina't ASEAN, pero, pagpasok ng ika-21 siglo, sa kabila ng mabilis na pag-unlad ng kabuhayan, hindi masasabing balanse ang Tsina at mga bansang ASEAN pagdating sa pagpapahupa ng kahirapan. Kaugnay ng karanasan dito ng Tsina, sinabi ni G. Jin na kung gustong malakihang mabawasan ang mahirap na populasyon, hindi dapat umasa lamang sa patuloy na mabilis na paglaki ng kabuhayan, dapat ding mapataas ang kalidad ng paglaki at mapalalim ang reporma sa mekanismo ng pagbabahagi ng kita at kasabay nito, dapat ding balangkasin at buong higpit na pairalin ng pamahalaan ang mid at long-term plan hinggil sa pagpapahupa ng karalitaan.
Sinabi pa ng kinatawang Tsino na mula noong taong 2001 hanggang 2010, pinairal ng Pamahalaang Tsino ang sampung taong programa ng pagpapahupa ng kahirapan at pagpapasulong ng kaunlaran sa kanayunan at nanguna sa mga bansa sa daigdig ang millennium development goal na pangalahatian ang mahirap na populasyon ng bansa.
Sinabi naman ni Sayakane Sisouvong, pangalawang Kalihim ng ASEAN, na ilang kasapi ng ASEAN ay nakahulagpos na sa epekto na dulot ng pandaigdigang krisis na pinansyal, pero, ayon sa ulat ng ADB noong taong 2009, wala pang 2 dolyares ang arawang gastos ng 1.6 na bilyong tao mula sa Asya at wala pang 1.25 dolyares ang arawang gastos ng mga pinakamahirap na populasyon. Kaya, kailangang-kailangang mapasulong ang kalidad ng pag-unlad ng kabuhayan para makinabang dito ang mahihirap na mamamayan.
Ang kasalukuyang porum ay nasa pagtataguyod ng Tanggapan sa Pagpapahupa ng Karalitaan ng Konseho ng Estado o Gabinete ng Tsina, Pamahalaan ng Indonesiya at ang layon nito ay pag-aralan ang relasyon sa pagitan ng kalidad ng paglaki ng kabuhayan at pagpapahupa ng kahirapan at pagbabahaginan ng mga kaukulang karanasan ng iba't ibang kalahok na bansa.
Noong taong 2007, idinaos sa Nanning, Tsina, ang unang ganitong porum at nitong limang taong nakalipas, ang porum na ito ay nagsisilbing mahalagang taunang plataporma para sa Tsina at mga bansang ASEAN sa pagbabahaginan ng karanasan sa pagpapasulong ng kaunlarang panlipunan at pagpapahupa ng karalitaan, bagay na nagpapasulong sa katatagan at kasaganaan ng rehiyon.
Salin: Jade
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |