Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Pilipinas, kailangang tumulong sa pagsugpo sa mapaminsalang pangingisda ng tuna

(GMT+08:00) 2011-11-11 17:46:46       CRI




Pilipinas, kailangang tumulong sa pagsugpo sa mapaminsalang pangingisda ng tuna

NANAWAGAN ang Greenpeace, isang pandaigdigang non-government organization sa pamahalaan ng Pilipinas na lumahok sa adhikain ng mga kalapit bansa nito sa Dagat Pasipiko na magkaroon ng mas malulusog na karagatan para sa mga susunod na saling-lahi. Ang pag-aalaga umano sa karagatan ang siya ring titiyak sa kaunlaran ng ekonomiya at magpapatibay ng seguridad sa pagkain sa rehiyon.

Ito ang panawagan ng Greenpeace sa isang press briefing para sa mga mamamahayag ng iba't ibang bansang may tanggapan sa Kamaynilaan sapagkat sa loob ng ilang linggo ay magaganap ang pagpupulong ng Western and Central Pacific Fisheries Commission sa Palau mula sa ika-lima hanggang sa ika-siyam ng Setyembre.

Nakatakdang imungkahi ng Pilipinas ang pagbubukas ng isang bahagi ng karagatan sa Pasipiko sa purse seine fishing ng mga bangkang pangisda nito. Ang mga pook na ito ay mahahalagang bahagi ng karagatan ng daigdig. Nauna nang ipinagbawal ang mapaminsalang paraan ng pangingisda sa mga pook na ito upang mapigil ang pagkaubos ng bigeye at yellow fin tuna, na nakatakdang pagbalik-aralan sa pagpupulong.

Ayon kay Sari Tolvanen ng Greenpeace International, ang pagbubukas na ito ng bahagi ng karagatan ay higit na makapipinsala sa yumayabong na marine life. Magugunitang magtatatlong taon nang ipinagbabawal ang pangingisda sa bahaging ito ng Dagat Pasipiko.

Ang Pilipinas ang ikatlo sa may pinakamaraming tuna na natatamo sa rehiyon, kasunod ng Japan at Korea. Ayon sa International Union for the Conservation of Nature, delikado na ang kalagayan ng bigeye at yellow fin tuna. Layunin din ng Greenpeace na isulong ang patuloy na pagbabawal sa paggamit ng fish aggregation devices (FADs) tulad ng mga payaw upang masugpo ang overfishing sa bahaging ito ng daigdig.

Natatagpuan umano ang 60% ng tuna sa kanlurang bahagi ng Dagat Pasipiko. Mayroon ding mga nadarakip na tuna sa silangang bahagi ng Pasipiko at maging sa Indian Ocean.

Pangulong Aquino, paalis na ngayon patungo sa APEC

NAKATAKDANG maglakbay patungong Honolulu, Hawaii si Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III ngayon upang dumalo sa 19th Asia-Pacific Economic Cooperation Leaders' Week. Nagsimula na ang APEC Meeting sa Hawaii kamakalawa at magtatapos sa darating na araw ng Linggo.

Ayon sa kanyang schedule, ganap na ika-apat ng hapon siya maglalakbay at pamumunuan ang delegasyong binubuo nina Foreign Affairs Secretary Albert F. Del Rosario, Transportation and Communication Secretary Manuel A. Roxas, Trade and Industry Secretary Gregory Domingo, Energy Secretary Rene Almendras at Presidential Spokesman Edwin Lacierda.

Nauna nang umalis sa Finance Secretary Cesar Purisima at dumadalo na sa pagpupulong ng mga finance minister doon.

Sa APEC Leaders meeting, makakasama ni Pangulong Aquino ang 20 iba pang mga pinuno ng iba't ibang bansa upang pag-usapan ang kaunlaran at hanapbuhay, regulatory reforms and competitiveness at energy efficiency at seguridad.

Ang APEC 2011 na itinataguyod ng Estados Unidos, ay naglalayong magkaroon ng "seamless regional economy" sa loob ng Dagat Pasipiko.

Bago maganap ang APEC Leaders' Meeting, dadalo si Pangulong Aquino sa APEC CEO Summit mula a-onse hanggang a-dose ng Nobyembre. Lalahok din siya sa APEC Business Advisory Council Dialogue with Leaders. Makakaharap din niya ang mga kasapi ng Filipino community sa Honolulu, ayon kay Kalihim Edwin Lacierda.

Malacanang, tiniyak ang pasasa-ayos ng Ninoy Aquino International Airport Terminal 1

NAGSIMULA na umano ang pagsasaayos ng Ninoy Aquino International Airport upang suportahan ang industriya ng turismo. Ito ang tugon ng Manila International Airport Authority na siyang nangangasiwa sa paliparan sa kautusan ni Pangulong Aquino.

Minamadali na umano ang pagsasaayos ng paliparan sa likod ng mga batikos mula sa international community dahilan sa nakalulungkot na kalagayan ng 30-taong gulang na paliparan.

Ayon sa pinaka-huling ulat ng Cable News Network, ang Ninoy Aquino International Airport ang panglima sa talaan ng "World's Most Hated Airports."

Ang NAIA 1 ang nangunguna sa "Worst Airports in the World," ayon sa "The Guide to Sleeping in Airports," isang interactive website na nangangalap ng iba't ibang pananaw ng mga turista at iba pang manlalakbay.

Ayon kay Kalihim Edwin Lacierda, mayroon nang mga pagsasaayos na ginagawa bilang dagdag sa structural renovations. Kabilang dito ang interior renovations, mga ilaw at landscaping. Nabigyan na umano ng datos at impormasyon ni Transport Secretary Manuel Roxas si Pangulong Aquino sa mga programa.

Sa panayam kay Pangulong Aquino ng YouTube, sinabi niyang may mga gagawin ang pamahalaan upang isaayos ang paliparang tatlong dekada na. Pinag-aaralan na umano ng pamahalaan ang mga gagawin upang tugunan ang inaasahang mga sampung milyong turistang dadalaw sa bansa.

Nauna nang ibinalita ang paglilipat ng NAIA sa Pasay City patungo sa Clark, Angeles City sa Pampanga. Maaaring ipagbili na ng pamahalaan ang NAIA sa pag-itan ng Pasay at Paranaque cities upang matustusan ang pangmatagalang pangangailangan para sa isang pandaigdigang paliparan ng bansa.

Ayon kay Secretary Roxas, depende ang balak na ito sa tagumpay ng NorthRail project na isasailalim sa panibagong negosasyon sa Tsina at sa privatization ng kasalukuyang NAIA property. Baka sakaling makalikom ang pamahalaan ng $ 2.5 bilyon kapalit ng 440 ektaryang ari-arian upang madali ang paglilipat ng paliparan sa Clark.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>