Sa news briefing na idinaos kahapon sa Honolulu, Hawaii pagkatapos ng ika-19 na di-pormal na pulong ng mga lider ng APEC o Asia-Pacific Economic Cooperation, ipinahayag ni Pangulong Barack Obama ng Estados Unidos na natamo ng pulong na ito ang maraming bunga sa mga aspekto na gaya ng pagpapalawak ng kalakalan, pagpapasulong ng green growth, pagsasasistema ng kooperasyon at iba pa.
Binigyang-diin ni Obama na mahalagang mahalaga ang pamilihan ng Asya-Pasipiko para sa pagsasakatuparan ng E.U. ng target na pagdodoble ng pagluluwas nito sa loob ng darating na 5 taon at pagpapabilis ng pagbangon ng kabuhayang Amerikano.
Kaugnay naman ng relasyong Sino-Amerikano, sinabi ni Obama na tinatanggap ng kanyang bansa ang isang masagana at mapayapang umaahong Tsina. Aniya, maaring palakasin ng E.U. at Tsina ang kooperasyon sa maraming larangan para makalikha ng mas maraming pagkakataon para sa kanilang win-win result at matulungan ang dalawang bansa sa pagpapaunlad ng kabuhayan at paglikha ng mas maraming hanapbuhay.
Salin: Liu Kai