Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Cardinal Jose T. Sanchez, pumanaw na

(GMT+08:00) 2012-03-09 18:05:05       CRI

CARDINAL JOSE T. SANCHEZ, PUMANAW NA

ANG LARAWAN NG NAMAYAPANG CARDINAL. Si Jose Tomas Cardinal Sanchez ay namayapa kaninang umaga sa edad na 91 taong gulang samantalang nasa Cardinal Santos Memorial Medical Center. Naging pari siya ng Simbahang Katoliko sa loob ng higit na 65 taon.

NAMAYAPA na si Jose T. Cardinal Sanchez, ang ikalimang cardinal mula sa Pilipinas sa edad na 91 taong gulang samantalang nasa Cardinal Santos Memorial Medical Center sa Lungsod ng San Juan, Metro Manila.

Multiple organ failure ang ikinasawi ng retiradong cardinal na isinilang sa bayan ng Pandan sa Catanduanes noong ika-17 ng Marso, 1920. Naglabas-masok na sa pagamutan ang cardinal mula noong nakalipas na isang buwan.

Ayon kay Arsobispo Jose Palma ng Cebu at pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines, mahusay na naglingkod si Cardinal Sanchez sa lahat ng kanyang posisyong hinawakan, mula sa diosesis hanggang sa Roman Curia.

Ayon naman kay Arsobispo Luis Antonio Gokim Tagle, isang malaking ala-ala mula sa Panginoong Diyos ang paglilingkod ni Cardinal Sanchez. Maganda umano ang nagawa ng namayapang cardinal para sa bansa at sa simbahan.

Nagpaabot din ng pakikiramay ang Tanggapan ng Pangulo ng Pilipinas sa pamamagitan ni Deputy Presidential Spokesperson Atty. Abigail Valte. Sa isang pahayag na inilabas kanina, sinabi ng tagapagsalita na nakiisa si Pangulong Aquino at ang buong bansa sa pagdadalamhati ng mga naulilang kamag-anak at mga kasamahan ni Cardinal Sanchez.

SI CARDINAL SANCHEZ samantalang namumuno sa isang Misa sa San Lorenzo Ruiz Parish sa Diocese of Novaliches kamakailan. Namayapa siya kaninang umaga. (larawang kuha ni Al Yap/SLRP Media)

Ihahatid sa huling hantungan ang cardinal sa darating na Lunes ng umaga matapos ang Misang pamumunuan ng dating Arsobispo ng Cebu, Ricardo J. Cardinal Vidal sa Katedral ng Mabuting Pastol sa Novaliches. Kasama sa Misa sina Novaliches Bishop Antonio Tobias at iba pang mga kasamang Obispo.

MANGGAGAWA, BINALAANG HUWAG GAGAMIT VISIT O TOURIST VISA SA PAGHAHANAPBUHAY

BINALAAN ni Labor and Employment Secretary Rosalinda Dimapilis-Baldoz ang mga nagbabalak mangibang-bansa na huwag gagamit ng visit o tourist visa upang makapagtrabaho doon.

Hindi umano nangingimi ang illegal recruiters at human traffickers na hikayatin ang mga nabibiktima na gamitin ang tourist o visit visa.

Ayon kay Kalihim Baldoz, mapapasapanganib lamang ang mga manggagawa kung maniniwala silang puede na ang tourist o visit visa sa paghahanapbuhay.

Marapat lamang na mayroong sapat na kakayahan at sumunod sa paraang legal upang magkaroon ng overseas employment.

Inilabas ni Kalihim Baldoz ang babala kasunod ng report ng Philippine Overseas Employment Administration na may mga illegal recruiter na gumagamit ng ikatlo o ika-apat na bansa na karaniwa'y kasapi ng ASEAN sapagkat hindi na kailangan ng visa at ilang mga bansa sa Gitnang Silangan na nagiging "jump-off points" upang magpadala ng mga manggagawang Filipino sa mga lugar na bawal padalhan ng mga trabahador..

Una nang nagbabala si POEA Administrator Hans Leo J. Cacdac na ipinatutupad pa rin ang ban sa pagpapadala ng mga trabahador sa Afghanistan, South Sudan, Libya, Lebanon, Jordan, Syria at Nigeria.

Nagreklamo na ang mga undocumented workers mula sa Syria at Lebanon na mababa ang sahod sapagkat illegal naman silang nakapasok sa bansa. Exit visas umano ang ginamit ng mga manggagawang ito, dagdag pa ni Ginoong Cacdac,

KALIHIM DEL ROSARIO, DADALAW SA MOSCOW

MAKAKADAUPANG-PALAD ni Kalihim Albert F. Del Rosario si Minister Sergey Lavrov sa Moscow sa darating na Martes upang suriin ang kinahinatnan ng bilateral relations sa nakalipas na 35 taon mula ng magkaroon ng relasyong diplomatiko noong 1976 ang Pilipinas at Russia.

Pag-uusapan nilang dalawa ang mga paraan upang mapalakas ang economic, political at cultural cooperation sa pag-itan ng dalawang bansa.

Magpapalitan din sila ng kuro-kuro sa pamamaraan upang higit na madagdagan ang mga nagawa sa loob ng kasunduan at maisaayos ang patutunguhan ng relasyong diplomatiko.

Kabilang din sa paksang pag-uusapan ang mahahalagang isyung pangrehiyon at pangdaigdig.

Ito umano ay paghahanda para sa nakatakdang Asia-Pacific Economic Cooperation Leaders' Meeting na idaraos sa ika-5 hanggang ika-6 ng Setyembre ngayong taon sa Vladivistok.

Ang pagdalaw na iyo ang siyang highlight na isang taong pagdiriwang ng ika-35 anibersaryo ng diplomatic relations sa pagitan ng bansang Pilipino at Russia.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>