Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Stock market, masigla

(GMT+08:00) 2012-03-14 18:40:52       CRI

ILANG linggo nang humigit sa 5,000 points threshold ang Philippine Stock Exchange. Magpapatuloy ang ganitong pagkakataon hanggang mayroong nagaganap na pandaigdigang financial crisis.

Ito ang pahayag ni Philippine Stock Exchange Director Edgardo Lacson sa panayam ng China Radio International – Filipino Section kaninang umaga.

Sa bawat paglampas ng 5,000 threshold, nagbubukas na sila ng champagne upang magdiwang.

MASIGLA ANG PHILIPPINE STOCK MARKET.  Ipinaliliwanag ni Ginoong Edgardo Lacson, Board Member ng Philippine Stick Exchange na maganda sa ekonomiya ng bansa ang masiglang pangyayari sa stock market.  Naniniwala siyang magtatagal pa ang magandang pangyayaring ito sa PSE sapagkat nagaganap pa rin ang financial crisis sa Estados Unidos at maging sa Europa.  Ani G. Lacson, kinakikitaan ng magandang ekonomiya ang Asya, na pagmumulan ng malaking porsiyento sa sa Gross Domestic Product ng daigdig.

Ayon kay Ginoong Lacson, hindi pa nadarama ang mga pagbabagong iminungkahi ng mga nagtapos sa Harvard University sa kalakaran ng ekonomiya ng daigdig. Malaki umano ang Asya at lumalabas na "growth-oriented" ang rehiyon. Ang kalakhan ng pangdaigdigang Gross Domestic Product ay magmumula sa Asya, dagdag pa niya.

Maganda umano ang nagaganap sa Philippine Stock Exchange sapagkat maraming mga Filipinong mangangalakal ang nakikinabang sa nagaganap sa stock market.

Si Ginoong Lacson ang pangulo ng Employers Confederation of the Philippines.

MGA MANGANGALAKAL, NATUTUWA SA TAKBO NG EKONOMIYA

MASAYA ang mga mangangalakal sa mga napipintong magaganap sa ekonomiya ng Pilipinas.

Sa Executive Outlook Survey ng Makati Business Club, ang samahan ng pinakamalalaking mga korporasyon, ay nagsaad na walo sa bawat sampung senior business executives ang naniniwala na mas maganda ang gross domestic product ngayong taong ito.

Ang pananaw na ito ay hindi na ikinagulat ng marami sapagkat ang ekonomiya ng bansa ay lumago lamang ng 3.7% noong nakalipas na taon dahilan sa paghihigpit ng kaban ng bayan upang malinis ang proseso na sinasabing pinamumugaran ng mga katiwalian.

Ayon kay Makati Business Club Chairman Ramon del Rosario, Jr., sa mga balitang lumabas na rin sa media, higit na gumaganda ang imahen ng pamahalaan sa mga mangangalakal at ito'y dahilan na rin sa impeachment trial.

Ikinabahala rin ng mga negosyante ang pagbaba ng 6.9% sa merchandise exports na nagkakahalaga ng $ 48 bilyon noong 2011. Ang exports ang siyang kasabayan ng foreign remittances mula sa mga manggagawang Pilipino na nasa ibang bansa na nagpapalutang sa ekonomiya.

MALAWAKANG PAGKILOS ISASAGAWA LABAN SA PRESYO NG PETROLYO

MAGSASAMA-SAMA ang iba't ibang grupo bukas upang iparating sa pamahalaan ang hinaing sa patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo. Makakasama sa pagtitipon ang mga maralitang tagalunsod, mga tsuper ng jeep, manggagawa, mag-aaral at mga karaniwang mamamayan.

Binabalak din ng mga magpoprotesta na magbarikada ng limang minuto sa kahabaan ng Epifanio delos Santos Avenue. Magkakaroon din ng mga noise barrage samantalang nasa sama-samang pagkilos.

Gagawin ang barikada sa North Trial Area sa ganap na ika-anim ng gabi. Magkakaroon din ng martsa sa C-3 hanggang sa bantayog ni Gat Andres Bonifacio sa Caloocan City sa pagitan ng ika-apat hanggang ikapito ng gabi.

Mula ikalima hanggang ikapito ng gabi, daan-daang mga maralitang tagalungsod ang magmamartsa sa Litex Road sa may Commonwealth Avenue sa Quezon City.

Magkakaroon din ng mga pagkilos sa Negros Island, Cebu, Cagayan de Oro, Panay Island, Cordillera Region, Davao at maging Katimugang Luzon.

MAMBABATAS, NANAWAGAN SA PAMAHALAAN: BAWASAN ANG BUWIS SA PETROLYO

"HUWAG ninyong hintaying magkaroon ng riots sa mga lansangan! Kumilos kayo upang ibaba ang presyo ng petrolyo."

Ito ang panawagan ni Anakpawis Congressman Rafael Mariano sa pamahalaan. Ayon sa mambabatas, marapat na kumilos na ang Malacanang upang tugunan ang mapanggipit na pagtaas ng presyo ng petrolyo. Hindi na umano kakayahin ng mga mamamayan ang magiging epekto nito sa ekonomiya.

Marapat lamang umanong paghandaan ni Pangulong Aquino ang mga protesta. May malaking koneksyon sa halaga ng gasolina at pagkain. Ang mataas na presyo ng gasolina ang magiging dahilan ng ibayong paghihirap.

Idinagdag ni Ginoong Mariano na ang kaguluhan sa Tunisia, Yemen, Bahrain, Libra, Iran, Syria at Egypt ay mayroon ding koneksyon sa presyo ng pagkain at petrolyo.

FILIPINA, NASAWI SA SYRIA

ISANG domestic helper ang nasawi sa isang ambush sa Syria. Nagmula ang balita sa Kagawaran ng Ugnayang Panglabas.

Ayon kay Assistant Secretary Raul Hernandez, ibinalita ng Embahada ng Pilipinas sa Damascus, nasawi si Meran Prieia Montezor, 23 taong gulang na nagmula sa lalawigan ng Camarines Sur.

Napaslang siya ng mga armadong kalalakihan noong ika-24 ng Febrero sa Homs samantalang naglalakbay kasama ng kanyang mga amo. Nagmula ang impormasyon sa Ministry of Foreign Affairs ng Syria.

Naganap umano ang ambush mga ika-11 ng umaga malapit sa isang pabrika ng damit sa industrial district ng Homs. Si Montezor at ang kanyang alagang sanggol ay tinamaan ng mga bala, ayon sa Kagawaran ng Ugnayang Panglabas.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>