Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Pilipinas, magandang pook para sa kalakal

(GMT+08:00) 2012-03-27 17:36:20       CRI

PILIPINAS, MAGANDANG POOK PARA SA KALAKAL

HANDA na ang Pilipinas sa mga mangangalakal mula sa iba't ibang bahagi ng daigdig. Ito ang binanggit ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III sa kanyang talumpati sa Philippine Investment Forum na itinaguyod ng Euromoney sa Manila Peninsula Hotel sa Lungsod ng Makati kanina.

Ang tatlong bagay na hindi umano aakalaing magagawa ng pamahalaan ay nagaganap na ngayon. Ipinaliwanag ni Pangulong Aquino na pinapanagot na ang mga taong nararapat managot sa kanilang mga ginawa, tinatapos na ang mga kontrobersyang bumalot sa mga institusyon ng bansa at binura na ang pagiging lehitimo ng mga ito sa mata ng mga mamamayan. Kitang-kita umano ang political will ng pamahalaan na ituwid ang nararapat ituwid.

Binigyang-diin ni Pangulong Aquino ang paraan ng paglalaan ng budget para sa mga palatuntunan at isinaayos na rin ang paraan ng paglalabas ng pondo. Tapat umano ang kanilang paglaban sa katiwalian, dagdag pa ng pangulo.

Maganda na ang kalakaran sa Philippine Stock Exchange na noo'y hindi makalampas sa 4,000 barrier at ngayo'y nakalampas na rin sa 5,000 points. Maganda na rin ang imahen ng bansa sa World Economic Forum na nasa ika-75 puesto na ang Pilipinas mula sa ika-85 puesto noong nakalipas na taon. Sa larangan ng manufacturing o service, nangunguna ang Pilipinas ayon sa Japan External Trade Organization. Ayon sa Hongkong Shanghai Banking Corporation ay nakikita nila ang Pilipinas na nasa ika-16 na puesto sa daigdig kung pag-uusapan ang ekonomiya pagsapit ng taong 2050.

Mula ng pumasok ang Aquino Administration noong Hulyo 2012, umabot na sa P 449.7 bilyon ang investments sa Philippine Economic Zone Authority. Ayon kay Pangulong Aquino, ang halagang ito ay 22% ng lahat ng natamong investments ng PEZA mula ng itatag ito noong 1995.

Ipinagmalaki ni Pangulong Aquino na noong Enero, naglabas ang pamahalaan ng $ 1.5 bilyong na global bonds na mayroong coupon rate na limang porsiyento, ang pinakamababa sa bansang nasa Asya at mas mataas na rate kaysa sa Indonesia, Mexico, Brazil at ilang bansa sa European Union tulad ng Spain.

Prayoridad ng kanyang administrasyon ang sektor ng pagsasaka, infrastructure at turismo. Ang mga magsasaka umano ay 33% ng pangkalahatang manggagawa samantalang 13% lamang ang kanilang nai-aambag sa Gross Domestic Product. Marapat lamang umanong madagdagan ang productivity ng mga magsasaka at tutulungan ding maikalakal ng maayos ang kanilang mga produkto mula sa kanayunan.

May nailaan na rin ang pamahalaang P 53.3 bilyon para sa Kagawaran ng Pagsasaka para sa patubig, farm-to-market roads at mga buying posts sa iba't ibang bahagi ng bansa. Target pa rin ng pamahalaan ang rice self-sufficiency sa susunod na taon.

Naipasubasta na rin ang 90% ng mga proyekto sa Department of Public Works and Highways na nagkakahalaga ng P 63 bilyon para sa 2, 128 na proyekto sa buong bansa.

PAGPAPASA SA DALAWANG PANUKALANG BATAS, KAILANGAN NA

NANAWAGAN si Senador Edgardo J. Angara, chairman ng Senate Committee on Science and Technology na ipasa na ang dalawang panukalang batas upang mapalakas ang pagtitiwala ng mga foreign locator at potential investors sa Philippine IT-BPO (Information Technology-Business Process Outsourcing) industry.

Ito ang kanyang panawagan matapos lumabas sa telebisyon sa Australia na isang call center na nasa Pilipinas ang sinisiyasat matapos mabulgar na isa sa mga call center agent ang nag-alok na babawasan ang bayarin ng isang parokyano kapalit ng maliit na kabayaran.

Sa isang panayam sa telebisyon, sinabi ni Martin Crisostomo, external affairs director ng Business Processing Association of the Philippines na ang pangyayari ay isa lamang isolated incidentat hindi nararapat madamay ang buong industriya.

Ayon sa senador, marapat lamang na tiyakin ang integridad ng Pilipinas bilang contact center capital ng daigdig at nararapat lamang na ipagsanggalang ang lahat ng uri ng datos at labanan ang cybercrimes.

Ipinaliwanag ni Senador Angara na kulang pa ang mga batas sa Pilipinas. Nararapat lamang umanong ipasa ang Cybercrime Prevention Act at ang Data Privacy Act.

Kung maipapasa ang dalawang panukalang batas na ito sa Senado at Kongreso, magkakaroon ng bicameral conference committee bago dalhin sa tanggapan ng pangulo upang malagdaan kaagad.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>