Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

May kinabukasang nakalaan para sa mga OFWs

(GMT+08:00) 2012-04-03 18:48:26       CRI

ASEAN, NAGKASUNDO SA ILANG MGA DEKLARASYON

IPINASA nina Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III at mga kasama sa Association of South East Asian Nations ang ilang mga deklarasyon at mga pahayag sa Plenary Session ng ika-20 ASEAN Summit sa Phnom Penh.

Kabilang sa mga deklarasyon at mga dokumentong ipinasa ay ang ASEAN Phnom Penh declaration, ang Phnom Penh agenda, ang deklarasyon ng drug-free ASEAN sa taong 2015 at ang concept paper para sa global movement of moderates.

Suportado ng Malaysia ang global movement of moderates upang masugpo ang bilang ng mga extremists sa rehiyon.

Ayon kay Prime Minister Hun Sen, ang chairman ng 20th ASEAN Summit, ang panukala ng Malaysia ay isang roadmap hindi lamang para sa ASEAN governments sapagkat ito'y para na rin sa mga partido politikal at civil society organizations.

Ang lahat ng ito'y isasama sa pangkalahatang pahayag na ilalabas sa pagtatapos ng pagpupulong.

PANATA AT TURISMO ANG DAHILAN NG PAGPAPAKO SA KRUS SA PAMPANGA

DALAWA ang nakikitang dahilan ni Msgr. Pedro C. Quitorio kung bakit patuloy na isinasagawa ang pagpapako sa krus sa Barangay San Pedro Cutud sa Lungsod ng San Fernando sa Pampanga sa bawat pagsapit ng Viernes Santo.

Ayon sa Director ng CBCP Media Office, ang ilan sa mga nagpapapako sa krus ay dahilan sa kanilang panata na magpapakasakit bilang kapalit ng pagkakatotoo ng kanilang mga pangarap sa buhay. Ang ikalawang dahilan ay ang turismo lalo't higit na tanyag na ang pangyayaring ito sa iba't ibang bahagi ng daigdig.

Ayon kay Msgr. Quitorio, wala ito sa itinuturo ng simbahan. Sapat na ang pagpapakasakit ng Panginoong Hesukristo kaya't walang sinumang makakatapat sa naganap higit sa dalawang libong taon na ang nakalilipas.

Ipinaliwanag niyang itinuturo ng Simbahan na mag-ayuno, manalangin at maglimos sa panahon ng Kwaresma. Bagama't taliwas ang ginagawa ng mga nagpapako sa krus sa itinuturo ng simbahan, hindi sila maaaring pagbawalan sa kanilang nais gawin sa bawat Viernes Santo.

SPECIAL FEATURE

MAY KINABUKASANG NAKALAAN PARA SA MGA OVERSEAS FILIPINO WORKERS... DATING BACKYARD MEAD PRODUCER, WORLD CLASS NA NGAYON.

MAY MAGANDANG KINABUKASAN ANG MGA OFW SA KALAKAL. Ito ang binigyang pansin ni G. Prudencio S. Garcia, Pangulo ng Mekeni Food Corporation, (dulong kanan) isa sa tatlong magkakapatid na OFW, na umuwi at nagpatatag ng meat processing business ng pamilya. Nasa larawan si Ginoong Jose Prieto, Pangulo ng Business Initiative Directions ng Espana (dulong kaliwa) at Bb. Mary Hope Ulibarri, plant manager ng Mekeni Food Corporation sa awarding rites sa Geneva, Switzerland noong nakalipas na buwan.

BIHIRA ang nakababatid na ang Mekeni Food Products ay nagsimula bilang isang backyard industry may 26 na taon na ang nakalilipas. Sinimulan ng mag-asawang Felix at Medicia Garcia, kapwa guro sa mababang paaralan, ang paggawa ng tocino na ipinagbibili sa mga kalapit bayan, lumago na ito at isa nang major player sa meat processing sa Pilipinas.

Kasunod ng pagputok ng Mt. Pinatubo, tinawagan ni Tatay Felix ang kanyang mga anak na sina Adrian, isang animal science graduate na nagtatrabaho sa Alemanya at Estados Unidos at Prudencio at Lito, kapwa Certified Public Accountants na nagtatrabaho sa Saudi Arabia. Limang magkakapatid ang mga supling ng mag-asawang Garcia.

Ayon kay Ginoong Prudencio Garcia, pangulo ng Mekeni Food Corporation, pinakiusapan sila ng kanilang ama na umuwi sa Pilipinas upang tulungan ang mga kababayang nasalanta ng pagsabog ng Mt. Pinatubo noong 1991. Kailangang bigyan umano ng hanapbuhay ang mga kababayan. Pinag-ambaganan ng magkakapatid ang pagpapalaki ng kumpanya at ngayo'y isa nang kilalang pangalan sa paggawa ng longganisa, tosino at iba pang processed meat products.

Marami nang parangal na tinanggap ang kumpanya at ang pinakahuli ay ang CQE Gold Award na iginawad sa InterContinental Geneve Convention Hall sa Geneva, Swtizerland sa pagdaraos ng 14th Century International Quality Era Convention. Kabilang sa awardees ang mga nangungunang kumpanya sa daigdig, ang mga nasa Fortune 500, Fortune Global 500 sa larangan ng quality culture. Dumalo sa okasyon noong nakalipas na buwan ang mga pinuno ng mga kumpanya mula sa 74 na bansa, mga pinuno ng mga kumpanya at mga kinatawan ng iba't ibang pamahalaan.

Mula ang CQE Award sa Business Initiative Directions, isang pribadong samahan na nagbabahagi ng mga matataas na uri ng kultura mula sa mga nangungunang kumpanya. Maihahalintulad ang BID sa Deming Awards ng Japan.

Mula ang parangal sa customer satisfaction, communication stratefies, benchmarking, information and data analysis, leadership, planning and decision-making, human resources, continuing education and training, processes and production, financial outcome, business results, ISO 9000 at TQM.

Ngayong taong ito, kasabay ng Mekeni Food Corporation sa parangal ang ICICI Bank of India, Istanbul Shipyard ng Turkey, Telecom of Cambodia, Turner Construction at OGASCO LLC ng UAE, Saimaa Beverage ng Finland, Grant Thornton Russian Appraisal ng Rusya at Saudi Iron and Steel Company.

Natamo ng Mekeni Food Products ang ISO 22000 noong 2006 upang maging nangungunang meat processing plant sa Pilipinas at sa Asya.

Sa panayam kay Ginoong Prudencio Garcia, sinabi niyang ang pagwawagi ng kanilang kumpanya ay isang pagpapatotoo sa mithi ng mga Overseas Filipino Workers na umuwi ng bansa at magnegosyo at sumabay sa pandaigdigang hamon.

Ang payo ni Ginoong Garcia ay simple: maging masinop at matiyaga sapagkat sa oras na magdesisyong umuwi ng bansa'y tiyak na may hanapbuhay na nakalaan, tulad ng kanilang karanasan sa Mekeni Food Corporation.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>