|
||||||||
|
||
NAKARATING na sa Scarborough Shoal ang barko ng Philippine Coast Guard SARV – 003 upang ipatupad ang mga batas ng Pilipinas sa larangan ng pagdaragat. Ito ang sinabi ni Lt. General Anthony Alcantara sa panayam ng China Radio International sa kanyang tanggapan sa Kampo Servillano Aquino sa Lungsod ngTarlac.
AFP NORTHERN LUZON COMMAND CHIEF GENERAL ANTHONY ALCANTARA AY UMAASANG MALULUTAS ANG SIGALOT SA KARAGATAN SA PAMAMAGITAN NG DIPLOMASYA. Ayon sa general, isang search and rescue vessel ng Philippine Coast Guard ang nakarating na sa Scarborough Shoal kaninang ika-11 ng umaga. Ang Coast Guard ang siyang magbabantay sa mga barkong Tsino.
Ang barko ng Philippine Coast Guard ang mayroong "lead role" sa pagbabantay sa mga barkong Tsino. "Supportive role" na lamang ang mga tauhan Barko ng Republika ng Pilipinas General Gregorio del Pilar na kilala rin sa pangalang PF-15.
Bagaman, nakaabot sa kaalaman ng Northern Luzon Command ang pagdating ng isa pang barkong Tsino sa may Scarborough Shoal.
Ayon kay General Alcantara, kahit mayroon pa ring "stand-off" na nagaganap, umaasa siyang magtatapos ito sa pamamagitan ng diplomasya, tulad ng binanggit nina Kalihim Albert F. Del Rosario ng Kagawaran ng Ugnayang Panglabas at Chinese Ambassador to the Philippines Ma Keqing.
Niliwanag din ni Kalihim del Rosario sa naunang panayam na matapos ang kanyang briefing kay Pangulong Aquino tungkolsa "stand off," pinag-utusan siyang gawin ang lahat ng magagawa sa pamamagitan ng diplomasya upang malutas ang sigalot.
AFP NORTHERN LUZON COMMAND CHIEF NANAWAGAN SA MGA MAMAMAYAN: MAGING MAHINAHON. Ito ang mensahe ni General Anthony Alcantara ng Northern Luzon Command sa lahat dahilan sa nakatakdang paglulunsad ng satellite ng Hilagang Korea. Handa umano ang Armed Forces na tumulong sa mga punong lalawigan at bayan sa oras na magkaroon ng pangangailingan.
SAMANTALA, nanawagan si General Alcantara sa mga mamamayan ng Hilagang Luzon na makinig sa radio at manood ng telebisyon upang mabatid ang pinakahuling balita sa maaaring maganap sa Hilagang Korea. Idinagdag ng commanding general ng Northern Luzon Command na kailangang manatiling kalmado at payapa ang mga mamamayan.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |