Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Puerto Princesa, inilunsad bilang pangunahing destinasyong panturismo ng Pilipinas

(GMT+08:00) 2012-04-18 17:23:03       CRI
Sa pangunguna ng Embahada ng Pilipinas sa Beijing, Kagawaran ng Turismo ng Pilipinas (DoT), at lokal na pamahalaan ng Puerto Princesa, Palawan, inilunsad kagabi rito sa Beijing ang Philippine Tourism Conference na naglalayong isulong ang Puerto Princesa bilang pangunahing destinasyong panturismo ng Pilipinas.

Kasabay ng mabilis na pag-unlad ng kabuhayan ng mga mamamayang Tsino, pagtaas ng purchasing power ng Chinese Yuan o Reminbi, at pagkahilig ng mga Tsino na makapamasyal sa ibat-ibang lugar sa mundo, ang Tsina ngayon ay nakatakdang maging pangunahing pinagmumulan ng outbound tourism sa daigdig, at isa sa mga bansang pinupunterya ng Pilipinas upang isulong ang turismo.

Sa kanyang talumpati, sinabi ni Charge d' Affaires Alex Chua, na nasa ikaapat na puwesto ngayon ang Tsina sa mga pinaggagalingan ng turismo ng Pilipinas, at ang aktibidad na ito ay napakahalaga ring bahagi ng pagpapalakas ng bilateral na relasyon ng Pilipinas at Tsina.

Aniya, ang pamahalaan ng Pilipinas ay palagiang gumagawa ng paraan upang ang pagbibiyahe ng mga Tsino sa Pilipinas ay maging mas kaaya-aya, at sa kaslukuyan ay mayroon na aniyang mga inisyatibong panturismo na isinasagawa ang pamahalaang Pilipino para mapaluwang ang paglalakbay ng mga Tsino sa Pilipinas.

 

Tagapagtaguyod ng PTC – Mula sa kaliwa ay sila Jasmine Esguerra, Tourism Attaché; Director Louella Jurilla, Regional Director ng Department of Tourism (DoT) Southern Tagalog Region; Miss Rebecca Labit, Assistant City Administrator at City Tourism Officer ng Puerto Princesa, at Alex Chua, Charge d' Affaires ng Pilipinas sa Tsina, habang idinaraos ang Philippine Tourism Conference (PTC) sa Grand Hyatt Hotel, ika-17 Abril 2012.

Ayon naman kay Louella Jurilla, Regional Director ng DoT Southern Tagalog Region, upang makapagbigay ng mas kombinyente at mas angkop na pasilidad at serbisyo ang mga turistang dumadagsa ngayon sa Palawan, idedebelop ang Puerto Princesa Airport bilang isang internasyonal na paliparan, at nakatakda aniya itong makumpleto sa susunod na 2 hanggang 3 taon.

Kasalukuyan na rin aniyang itinatayo ang mga proyektong pangimprastruktura, katulad ng mga ospital, resort, at hotel, na siyang magbibigay-daan sa pagbabagong-anyo ng Palawan bilang pangunahing destinasyong panturismo sa Timog Silangang Asya,.

Sa sandaling makumpleto ang mga ito, binigyang-diin niyang maari nang makigpakompetisyon ang Palawan sa mga pasilidad at serbisyo na matatagpuan sa Phuket ng Thailand at Bali ng Indonesia.

Noong 2009, sinabi niyang ang dami ng mga dayuhang turista sa Palawan ay umabot sa mahigit 27,000; noong 2010, mahigit 69,000; noong 2011, mahigit 83,000; at inaasahang patuloy pang lalaki ang bilang na ito ngayong taon.

Ipinagmalaki naman ni Rebecca Labit, Assistant City Administrator at City Tourism Officer ng Puerto Princesa ang angking kagandahan ng Puerto Princesa Underground River, na kadedeklara lamang na isa sa mga 7 Wonders of Nature.

Sa pamamagitan ng isang video presentation, ipinakita ni Labit ang mga nakakabighaning lugar sa underground river na walang katulad sa buong mundo, kasama na rito ang mga pearl stones, mineral na kristal, mga puno ng mangroves, napakalinis na tubig, pearl corals, at marami pang iba .

Bukod dito, sinabi niyang ang Puerto Princesa ay ang "huling ecological frontier" ng Pilipinas at isa sa mga nalalabing lugar sa buong mundo na may pinakamalawak na kagubatan.

Aniya, ang Puerto Princesa ay hindi nililindol, hindi dinaraanan ng bagyo, at isa sa mga pinakaligtas na lugar sa Pilipinas.

Reporter: Rhio & Machelle

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>