Sinabi kahapon ni Tagapagsalita Liu Weimin ng Ministring Panlabas ng Tsina, na nang araw ring iyon, muling ipinatawag ni Fu Ying, Pangalawang Ministrong Panlabas na Tsino, ang Charge d'Affaires ng Embahada ng Pilipina sa Tsina, para magharap ng representasyon hinggil sa tensyon ng dalawang bansa sa karagatan ng Huangyan Island. Aniya, ito ang ika-2 pag-uusap ng dalawang panig sapul noong ika-15 ng buwang ito.
Ayon kay Liu, sa naturang pag-uusap, tinukoy ni Fu, na pagkaraan ng pagsasanggunian ng Tsina at Pilipinas, inisyal na napahupa ang kalagayan sa naturang karagatan. Umaasa aniya ang panig Tsino na tutupdin ng panig Pilipino ang pangako nitong iurong, sa lalong madaling panahon ang mga bapor sa loob ng lagoon ng Huangyan Island, para mapanumbalik ang kapayapaan at katahimikan sa karagatan ng naturang isla.
Salin: Liu Kai