Ipinahayag kahapon ni Tagapagsalita Liu Weimin ng Ministring Panlabas ng Tsina, na ang Huangyan Island ay likas na teritoryo ng kanyang bansa at ang mga isyung may kinalaman dito ay hindi kailangang iharap sa pandaigdig na hukuman. Dagdag niya, ang pakikialam ng anumang organong pandaigdig sa mga isyung may kinalaman sa teritoryo at soberanya ay dapat umayon sa takdang kondisyon. Aniya, sa isyu ng Huangyan Island, maliwanag na walang ganitong kondisyon.
Kaugnay naman sa gawain ng Embahada ng Tsina sa Pilipinas, sinabi ni Liu, na nagsisikap ang embahadang ito, para maayos na malutas ang isyu ng Huangyan Island, at mapangalagaan ang katatagan at kaunlaran ng relasyong Sino-Pilipino. Umaasa aniya ang Tsina na batay sa Vienna Convention on Diplomatic Relations, makakapagbigay ang panig Pilipino ng karapat-dapat, mapitagang pakikitungo at ginhawa sa mga diplomatang Tsino.
Salin: Liu Kai