Ipinahayag kamakailan ng pamahalaang Pilipino na mas gusto nitong tawagin ang lugar na kasalukuyang pinagmumulan ng tensyon sa pagitan ng Pilipinas at Tsina na Panatag Shoal. Ang lugar na ito ay mas kilala sa daigdig bilang Scarborough Shoal, at ito ay tinatawag ng Tsina na Huangyan Island.
Ito ang ipinatalastas ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda sa isang preskon. Nang tanungin kung ang pagtatakda ng tawag na ito ay para ipatalastas na ang lugar na ito ay pag-aari ng Pilipinas, sinabi niyang ito ay para sa mas maikling katawagan lamang.
Nauna rito, maraming beses na ipinahayag ng tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina na, ang Huangyan Island ay likas na teritoryo ng Tsina. Iginigiit ng panig Tsino na lutasin ang kasalukuyang isyu sa lugar na ito sa pamamagitan ng diplomatikong pagsasanggunian, at hinihimok din ng Tsina ang Pilipinas na bumalik sa tamang landas ng paghahanap ng diplomatikong solusyon sa isyung ito. Ipinahayag din ng panig Tsino, na ang anumang pananalita at aksyong magpapasalimuot at magpapalawak ng kalagayan ay hindi makakabuti sa paglutas sa naturang isyu.
Salin: Liu Kai