|
||||||||
|
||
Nitong nakalipas na ilang panahon, patuloy na lumalamig ang relasyong pangkabuhayan at pangkalakalan ng Tsina at Pilipinas, at nakakaapekto ito sa maraming industriya ng huli. Kabilang dito, pinakamabigat ang impact nito sa pagluluwas ng saging at turismo.
Ang saging ay ika-5 pinakamalaking iniluluwas na produktong agrikultural ng Pilipinas. Taun-taon, lampas sa kalahati ng iniluluwas na saging nito ang ibinebenta sa Tsina. Noong 2011, ang saging ng Pilipinas ay katumbas ng 85% ng kabuuang bolyum ng pag-aangkat ng saging ng Tsina. Ipinahayag kamakailan ng Pilipinong mangangalakal na sapul nang palakasin ng Tsina ang pagsusuri sa pag-aangkat ng saging mula sa Pilipinas, nabulok ang mga saging ng Pilipinas na naimbak sa mga puwerto ng Dalian, Shanghai at iba pang lugar, bagay na humantong sa halos 1 bilyong piso (o halos 100 milyong yuan RMB) na kapinsalaan.
Ipinahayag naman kamakailan ni Gregory Domingo, Kalihim ng Kalakalan ng Pilipinas, na walang kaugnayan sa insidente ng Huangyan Island ang pagluluwas ng saging. Sa kasalukuyang linggo, dadalaw sa Tsina ang opisyal ng Kagawaran ng Agrikultura ng Pilipinas para talakayin ang hinggil sa kung paanong maigagarantiyang angkop sa pamantayan ng pagsusuri sa kalidad ng Tsina ang iniluluwas na prutas ng Pilipinas at iba pang isyu.
Bukod dito, nagpalabas din kamakailan ang Pambansang Kawanihan ng Turismo ng Tsina ng travel advisory, at iminungkahi sa mga turistang Tsino na pansamantalang ipagpaliban ang paglalakbay sa Pilipinas sa malapit na hinaharap. Upang maiwasan ang panganib sa biyahe ng paglalakbay, sa kasalukuyan, pansamantalang itinigil ng iba't ibang malalaking ahensiyang panturista ang negosyo ng paglalakbay sa Pilipinas.
Ngayon, pansamantalang inihinto na ang tourism charter flight mula Beijing, Shanghai, Hangzhou at iba pang lugar patungong Boracay Island.
Ang Tsina ay isa sa mga pangunahing bansang pinanggagalingan ng mga turista sa Pilipinas, at mahigit isang milyong person-time na turistang Tsino ang nagsasadya sa Pilipinas taun-taon. Ayon sa di-kompletong pagtaya, ang pansamantalang pagtitigil ng panig Tsino ng paglalakbay sa Pilipinas ay magdudulot ng mahigit 10 milyong dolyares na kapinsalaan sa turismo ng Pilipinas.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |