Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Paglilingkod sa manggagawang Pilipino, tiniyak ng PAO

(GMT+08:00) 2012-08-29 18:49:57       CRI

HANDA ang Public Attorney's Office na maglingkod sa mga manggagawang Pilipino na nasa ibang bansa. Ito ang tiniyak ni Chief Public Attorney Persida V. Rueda-Acosta sa halos isang daang mga lider ng mga samahan ng mga Pilipinong naghahanapbuhay sa Singapore.

MAKAKAASA ANG MGA MANGGAGAWANG PILIPINO NG TULONG MULA SA PUBLIC ATTORNEY'S OFFICE.  Ito ang buod ng mensahe ni Chief Public Attorney Persida V. Rueda-Acosta sa mga pinuno ng iba't ibang samahan ng mga manggagawa sa Bayanihan Center sa Singapore.  Naroon din sa pagpupulong si Ambassador Minda Cruz. Ang mga Pilipino sa Singapore ay mula 170,000 hanggang 200,000 katao.

Inihalimbawa ni Atty. Acosta ang pagtutulungan ng kanyang tanggapan at ng Kagawaran ng Ugnayang Panglabas sa kaso ni Gwen Aguilar, ang kasambahay na nahatulan sa pagpatay sa kapwa kasambahay na si Jane La Puebla. Nahatulan si Aguilar na mapiit ng sampung taon. Sinabi ni Atty. Acosta na binigyan nila ng payong-legal ang akusado at nagtulungan sila ng DFA at ng abogadong mula sa Singapore. Napababa ang kaso mula sa murder at naging homicide na lamang. Nabatid na mayroong masked depression ang akusado.

Mas maganda na umano ang katayuan ng mga manggagawang nasa ibang bansa sapagkat naiibsan na ang kanilang kalungkutan sa pamamagitan ng teknolohiya. Nakatulong na rin ang pag-usad at pagyabong ng mobile communications at nagagamit na rin ang internet upang makausap ng mas madalas ng isang nangingibang-bansa ang kanyang mahal sa buhay na nasa Pilipinas.

Ang Public Attorney's Office ay nagbibigay ng payong legal sa pamamagitan ng may 1,533 na abogado ng bayan, higit sa isang libong mga kawani sa Central Office, 17 regional offices at 295 mga sub-district at district offices sa buong bansa.

Nakapagbibigay din sila ng legal counseling sa loob ng 24 na oras.

Inihalimbawa ni Atty. Acosta ang karanasan ng Bonita Baran na minaltrato ng kanyang pinaglingkuran sa loob ng apat na taon, sinaktan sa pamamagitan ng plantsa, hinambalos sa ulo ng matitigas na bagay, pwersahang pinakain ng mga sirang pagkain at mga insekto, karaniwang sinusuntok sa mata at hindi pinalalabas ng bahay ng kanyang mga amo. Ikinalungkot ni Atty. Acosta na nabulag nang tuluyan ang kanang mata ni Ginang Baran at halos 10% na lamang ang napapakinabangan sa kaliwang mata.

NAKAHANDA ANG PUBLIC ATTORNEY'S OFFICE.  Ito ang pagtiyak ni Chief Public Attorney Persida V. Rueda-Acosta sa isang pagpupulong ng mga manggagawang Pilipino sa Singapore.  Itinaguyod ng Globe Telecoms ng Pilipinas at Sing-Tel ng Singapore ang pagpupulong.  Handa umano ang PAO sa pagbibigay ng legal advice kahit sa pamamagitan ng telepono at electronic mail.

Kinasuhan na ng Public Attorney's Office ang mga dating amo ni Ginang Baran ng attempted murder, physical injuries at serious illegal detention sa Tanggapan ng Tagausig sa Lungsod ng Quezon.

Ayon kay Atty. Acosta, maaaring tumawag ang mga manggagawang Pilipino sa kanilang central office at gamitin ang telephone numbers +63 2 9299436 local 106 o 107 at pag lampas sa oras ng opisina, maaaring tumawag sa + 63 2 9299436 local 159. Maaari ding gamitin ang email address na pao_executive@yahoo.com at makakarating ang kanilang hinaing sa Public Attorney's Office, dagdag pa ni Atty. Acosta.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6392061806XX: Pagdalaw ni Dalai sa Taiwan hindi makakatulong sa pagkakaisa ng Taiwan at mainland. Dapat lumayo siya rito.
More>>