Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Kapayapaan sa Mindanao, abot-kamay na, sabi ni Pangulong Benigno Aquino III

(GMT+08:00) 2012-10-07 17:38:09       CRI

MATAPOS masawi ang daang-libong mga Pilipino dahilan sa digmaan sa Katimugang Pilipinas, sinabi ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III na makararating na rin ang kapayapaan sa Mindanao.

Sa isang talumpati sa Palasyo Malacanang, mga pasado ala-una ng hapon kanina sa harap ng kanyang gabinete, sinabi ni Pangulong Aquino na maraming pagsubok na ang nagawa at may ilang kasunduang pangkapayapaan na ang nalagdaan subalit tuloy pa rin ang kaguluhan.

Binanggit din ni Pangulong Aquino na nagkapoder ang ilan subalit hindi naman naihatid ang kaunlaran sa mga Bangsamoro. Nagamit pa ang mga mamamayan upang magwagi sa mga halalan. Nagkaroon din ng mga "ghost roads, bridges, school at teachers" at kumitang malaking salapi ang mga may kagagawan.

Ayon sa pangulo, dumami pa ang warlords at kaya't mayroong mga Pilipinong nagbalak humiwalay sa Republika ng Pilipinas. Ang mga taong napabayaan ay gumamit nang sandata upang makamit ang nais na kaunlaran at kalayaan.

Hindi umano magkakaroon ng kapayapaan kung hindi magkakaroon ng pagbabago sa istruktura na siyang naging gabay ng mga negosyador ng Pilipinas sa Moro Islamic Liberation Front. Nagkasundo na umano ang magkabilang-panig na magkaisa at kilalanin ang mga problema at magsulong ng mga paraan upang malutas ang mga ito ng hindi mababawasan ang integridad at soberanya ng Pilipinas.

Sa pangyayaring ito, papalitan na ang Autonomous Region in Muslim Mindanao na siyang kikilala sa mga pagtatangka at pagsasakripisyo ng mga naninirahan sa Katimugang bahagi ng Pilipinas.

Papangalanan ang bagong lupon ng Bangsamoro kaya't nanawagan siya sa iba pang grupo ng mga Bangsamoro na makiisa na sa bagong sistema. Matatamo ng madla ang kapayapaan.

Magkakaroon ng isang transition commission na babalangkas ng panukalang batas na dadalhin sa Kongreso at daraan sa lahat ng prosesong legal. Ang panukalang batas ay ilalathala sa lahat ng mga pahayagan sa Pilipinas at maging sa Official Gazette ng Pilipinas upang masuri at mapag-aralan ng lahat. Wala umanong itatago ang pamahalaan sa pagkakasundong ito.

Nakarating umano sa ganitong antas ang peace process dahilan sa pagtitiwala nina Al Haj Murad, chairman ng Moro Islamic Liberation Front at ni Mohaqer Iqbal na pinuno ng negotiating panel ng samahan sa Pamahalaan ng Piliipinas.

Pinasalamatan din niya ang Pamahalaan ng Malaysia na naging facilitator sa pag-uusap ng magkabilang panig. Pinasalamatan din niya ang Malaysian prime minister sa kontribusyon sa peace process at mga kasama sa International Contact Group na binubuo ng UK, Japan, Turkey at Saudi Arabia at ilang mga international NGOs. Pinasalamatan din niya ang mga bumuo sa International Monitoring Team tulad ng Malaysia, Brunei, Libya, Norway, Japan, Indonesia, at European Union. Tumulong din umano ang Estados Unidos, Australia at World Bank na tumulong din sa pag-uusap.

Pinasalamatan din niya si Kalihim Teresita "Ging" Deles, Dean Marvic Leonen and staff sa kanilang dedikasyon.

Tiniyak ng pangulo na magiging patas ang pamahalaan sa paghahatid ng mga proyekto sa mga kanayunan. Kung anong benepisyo ang natatamo sa Luzon ay siya ring matatamo ng mga nasa Mindanao. Idinagdag pa niya na higit na gaganda ang Pilipinas na dalawin ng mga panauhin sapagkat magkakaroon nang kapayapaan.

Sa panig ng Moro Islamic Liberation Front, sinabi naman ni Ghazali Jaafar, Vice Chairman for Political Affairs na ito na ang simula ng pagwawakas ng kaguluhan sa Mindanao.

Sa panayam kay Ginoong Jaafar, sinabi niya na masaya ang buong Bangsamoro sapagkat sa wakas ay makakamit na rin nila ang kasagutan sa kanilang mga kahilingan.Kahit umano ang mga mamamayang hindi Muslim ay natutuwa sa ganitong pangyayari sapagkat maiiwasan na ang mga sagupaan at kaguluhan.

Kahit umano sa Kalakhang Maynila at mga karatig pook ay may mga Bangsamoro na aabot sa isang milyon.

Samantala, sinabi ni Isabela de Basilan Bishop Martin S. Jumoad na isang magandang balita ang nagmula kay Pangulong Aquino. Sa kanyang mensahe sa CBCP Online Radio, sinabi ni Bishop Jumoad na anumang gagawin upang magkaroon ng kapayapaan ay isang katanggap-tanggap na pangyayari.

Umaasa si Bishop Jumoad na ito'y magiging daan upang matamo ang kapayapaan at matigil na ang mga sagupaan. Napapanahon na umanong isalong ang mga sandata ng gamit sa pakikidigma, dagdag pa ng obispo.

Sang-ayon siya sa mga kasunduang angkop sa itinatadhana ng Saligang Batas at nararapat isumite sa mga mamamayan upang aprubahan.

Tiniyak naman ni MILF Vice Chairman Jaafar na gagawin ang plebesito sa takdang panahon.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>