WALANG anumang malalaking insidenteng naganap sa buong bansa sa pagdiriwang ng Todos Los Santos kahapon. Ayon kay Col. Arnulfo Marcelino Burgos, taga-pagsalita ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas, matagal na pinagbalakan at pinaghandaan ng mga ahensyang sangkot sa pagpapanatili ng kapayapaan ang okasyong ito. Nakatulong din ng malaki ang mga pamahalaang lokal sa pagpapanatili ng maayos na pagdiriwang kahapon. Ang intelligence units ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas ay patuloy na nagbabantay sa anumang magaganap, partikular sa kanayunan, matiyak lamang ang payapang pagdiriwang ngayon ng All Souls Day.

POLICE CHIEF NICANOR BARTOLOME, GINUNITA ANG MGA BAYANING PULIS. Nag-alay ng mga bulaklak at kandila si Police Director General Nicanor Bartolome sa mga nasawing pulis samantalang naglilingkod sa bayan. Ginawa ang pag-aalay na ito sa memorial na itinayo sa loob ng Campo Crame
Sa panig naman ng Philippine National Police, sinabi ni Chief Supt. Generoso Cerbo, tagapagsalita ng tanggapan, na pawang minor incidents lamang ang kanilang naitala sa buong bansa. Nagkaroon ng apat na hiwa-hiwalay na sakuna na ikinasugat ng 13 katao. Wala namang nai-ulat na nasawi sa mga sakunang ito sa Gitnang Luzon at Timog Katagalugan.

PAYAPA ANG PAGDIRIWANG NG TODOS LOS SANTOS. Ito ang ibinalita ni Col. Arnulfo Marcelino Burgos, tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines kasunod ng mga ulat na natanggap mula sa buong kapuluan. Pinasalamatan niya ang lahat ng law enforcement agencies at local government units sa pagtiyak na payapa ang okasyon kahapon.