|
||||||||
|
||
BINABANTAYAN ng mga tanyag na Pilipino ang nagaganap sa Tsina, sa pagdaraos ng 18th National Congress ng Communist Party of China. Isa sa mga nagmamasid sa nagaganap sa Beijing ay si Senador Edgardo J. Angara, ang pinakamatagal na naglingkod na Senador ng Republika mula noong 1986.
Sa isang panayam, sinabi niya na talagang sinusuri ng mga kasapi sa Kongreso ang ipapalit sa hahalinhang pinuno na si Hu Jintao. Aniya, sa Pilipinas na itinuturing na isang demokratikong bansa, ay magulo ang proseso ng pagpili ng mga pinuno ng bansa. Maituturing na isang malaking sugal ang pagpili ng pinuno.
Sa Tsina, pinag-aaalan nila ang magiging pinuno ng bansa. Pinuri din niya ang pahayag ni Pangulong Hu Jintao na nanawagan sa Kongreso na linisin ang pamahalaan ng korupsyon. Noong mga nakalipas na panahon ay isinasa-isangtabi lamang ang isyung ito subalit ngayo'y hinaharap na ng Tsina ng buong katapatan.
Si Angara ay naglingkod bilang Pangulo ng Integrated Bar of the Philippines noong dekada otsenta at nanilbihan din bilang Pangulo ng University of the Philippines bago pumasok sa larangan ng politika.
Si Senador Angara ang siyang namumuno sa isang pandaigdigang pagpupulong sa darating na Enero 2013 ng mga mambabatas na tumutuligsa sa korupsyon. Binabalak nga raw nilang anyayahan ang Communist Party of China na lumahok sa pagtitipon.
Binanggit niyang maganda ang tema ng pagpupulong ng Global Organization of Parliamentarians Against Corruption at Southeast Asian Parliamentarians Against Corruption na inaasahang makakaipon ng may 500 mga pinuno mula sa buong daigdig.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |