Bilang tugon sa pagpapaliban sa pulong ng mga pangalawang ministro ng 4 na bansang kinabibilangan ng Pilipinas, Malaysia, Brunei, at Biyetnam tungkol sa isyu ng South China Sea, ipinahayag dito sa Beijing ngayong araw ni Tagapagsalita Hong Lei ng Ministring Panlabas ng Tsina, na umaasa ang panig Tsino na sa pangkalahatang kalagayan ng pangangalaga sa kapayapaan at katatagang panrehiyon, makakagawa ang iba't ibang may kinalamang panig ng mas maraming bagay na makakatulong sa pagpapalalim ng pagtitiwalaan, at pagpapasulong ng kooperasyon.
Ayon sa ulat, noong Biyernes, ipinahayag ng tagapagsalita ng Kagawaran ng Ugnayang Panlabas ng Pilipinas, na ipinagpaliban ang naturang pulong na nakatakdang idaos samakalawa. Ayon sa iba pang balita, nagpahayag na ang Brunei at Malaysia na hindi sila lalahok sa nasabing pulong.
Salin: Li Feng