|
||||||||
|
||
Ayon sa pinakahuling pagtaya ng International Monetary Fund o IMF, sa taong 2014, may pag-asang aabot sa mahigit 2.43 trilyong dolyares ang nominal GDP ng "limang bansang ASEAN" na binubuo ng Pilipinas, Indonesia, Thailand, Malaysia at Biyetnam. Ang datos na ito ay lalampas, sa kauna-unahang pagkakataon, sa inaasahang nominal GDP ng "Four Asian Tigers" (Timog Korea, Taiwan, Singapore, at Hong Kong) na mahigit 2.40 trilyong dolyares.
Kasabay nito, walang humpay na lumalakas ang kooperasyong pangkabuhaya't pangkalakalan ng ASEAN at Tsina. Ipinakikita ng estadistika ng Pambansang Administrasyon ng Adwana ng Tsina, noong Enero ng 2013, 36.99 bilyong dolyares ang pag-aangkat at pagluluwas ng Tsina sa ASEAN, na lumaki ng 42.9% kumpara sa gayun ding panahon ng nagdaang taon. Kabilang dito, 20.07 bilyong dolyares ang pagluluwas nito sa ASEAN, na lumaki ng 48.8%.
Tinukoy ng tagapag-analisa na kasabay ng pag-unlad ng kabuhayan ng mga bansang ASEAN, nagsimula ring lumipat sa mga bansang ASEAN ang ilang puhunang dayuhan na nakatakdang mamuhunan sa Tsina. May tunguhing dumako sa mga bansang ASEAN ang industriya ng pagyari sa Silangang Tsina.
Ipinalalagay ng taunang ulat ng United Nations Conference on Trade and Development noong 2012 na dahil ipinagpapatuloy ang tunguhin ng pagtaas ng kita at kapital ng produksyon ng mga bansa sa Silangang Asya, lalung lalo na, ng Tsina, tuluy-tuloy na lumalakas ang kakayahang kompetetibo ng industriya ng pagyari ng iba't ibang bansang ASEAN.
Sa tingin ng mga dalubhasa, ang mabilis na paglago ng kabuhayan ng "limang bansang ASEAN" ay makakapagpasulong sa pagbabago at pag-a-upgrade ng industriya ng pagyari ng Tsina. Magdudulot din ito ng pagkakataon para sa pag-unlad ng mga larangan ng Tsina na gaya ng serbisyo, teknolohiya, talento, at iba pa.
Siyempre, ang "Made in ASEAN" ay nagdulot ng hamon sa "Made in China". Ipinalalagay ng dalubhasa na sa darating na isang panahon, mangunguna pa rin sa buong mundo ang eco-industrial chain ng industriya ng pagyari at kalidad ng mga manggagawa ng Tsina. Maisasakatuparan ng Tsina at ASEAN ang win-win situation sa proseso ng pag-unlad.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |