|
||||||||
|
||
Sa Punong Himpilan ng World Trade Organization (WTO), Geneva—Isinapubliko dito kahapon ng WTO ang datos ng bolyum ng kalakalan ng iba't ibang kasapi nito noong 2012 at pagtaya sa kalakalang pandaigdig sa kasalukuyang taon. Ipinakikita ng ulat na noong nagdaang taon, pumangalawa sa buong mundo ang kabuuang halaga ng kalakalang pangkargada ng Tsina, na kakaunti nang 15 bilyong dolyares kaysa Amerika. Sa kalagayan ng mabagal na paglaki ng kalakalang pandaigdig, patuloy na tumaas ang katayuang pangkalakalan ng Tsina.
Ayon sa ulat ng WTO, noong 2012, 2049 bilyong dolyares ang pagluluwas ng paninda ng Tsina, at 1818 bilyong dolyares naman ang pag-aangkat nito. Umabot na sa 3867 bilyong dolyares ang kabuuang halaga ng kalakalang pangkargada ng Tsina. Ipinakikita ng estadistika na ang halaga ng pagluluwas ng paninda ng Tsina noong isang taon ay katumbas ng 11.2% ng pagluluwas ng paninda ng daigdig, na nanguna sa iba't ibang bansa; ang halaga ng pag-aangkat ng paninda nito ay katumbas ng 9.8% ng pag-aangkat ng paninda ng daigdig.
Sa aspekto ng kalakalan ng serbisyo naman, ang Tsina ay nananatili pa ring ika-3 pinakamalaking bansa sa buong mundo. Noong nagdaang taon, 471 bilyong dolyares ang kabuuang halaga ng pag-aangkat at pagluluwas ng serbisyo ng Tsina, na sumunod lamang sa Amerika at Alemanya.
Sinabi ni Pascal Lamy, Direktor-Heneral ng WTO na, nitong nakalipas na 5 taon, nananatiling matumal ang kabuhayang pandaigdig, pero ang namumukod na kilos ng Tsina ay nagdulot ng pag-asa sa paglaki ng kalakalang pandaigdig.
Ipinahayag naman ni Yi Xiaozhun, Pirmihang Kinatawan ng Tsina sa WTO, na kasabay ng walang humpay na pagtaas ng katayuang pangkabuhaya't pangkalakalan, titingkad pa ang impluwensiya ng Tsina sa kabuhayang pangdaigdig. Aniya, dapat mas kusang-loob at aktibong makisangkot ang Tsina sa pagsasaayos sa kabuhayang pandaigdig, para lumikha ng mainam na kapaligirang panlabas sa mapayapang pag-unlad ng bansa.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |