Sa isang artikulong ipinalabas kahapon sa official website ng Magasing Foreign Affairs ng Estados Unidos, ipinahayag ni Embahador Cui Tiankai ng Tsina sa E.U. na ganap na responsable ang Hapon sa kasalukuyang kalagayan ng Diaoyu Islands. Umaasa aniya siyang talagang walang kikilingan ang E.U. sa isyung ito.
Sinabi ni Cui na ang Diaoyu Islands ay likas na teritoryo ng Tsina supal pa noong sinaunang panahon, at konsistente ang paninindigan ng Tsina sa isyu ng soberanya ng islang ito. Isinalaysay niyang noong isinakatuparan ng Tsina at Hapon ang normalisasyon ng kanilang relasyong diplomatiko, sinang-ayunan ng mga lider ng dalawang bansa na isa-sang-tabi ang hidwaan sa isyung ito. Dagdag niya, sa harap ng kasalukuyang kalagayan, dapat magsagawa ang Tsina at Hapon ng solemnang diyalogo at pagsasanggunian.
Sa artikulong ito, inilahad naman ni Cui ang paninindigan sa isyu ng Korean Peninsula. Aniya, tatlo ang saligang prinsipyo ng Tsina sa isyung ito: una, pangangalaga sa kapayapaan at katatagan ng Korean Peninsula; ika-2, pagsasakatuparan ng walang nuklear na peninsula; at ika-3, mapayapang paglutas sa isyu sa pamamagitan ng diyalogo. Aniya, may mahigpit na pagkakaugnay ang tatlong prinsipyong ito at hindi dapat paghiwahiwalayin ang mga ito. Sinabi rin niyang patuloy na magsisikap ang Tsina para maisakatuparan ang mapayapa, matatag, at walang nuklear na Korean Peninsula.