Sa Chiang Mai, Thailand—Idinaos dito ang Thailand Rice Convention 2013 mula noong ika-26 hanggang ika-28 ng Mayo. Lumahok sa pulong ang halos 500 kinatawan mula sa mahigit 40 bansa't rehiyon. Ayon sa ulat ng dayuhang media sa panahon ng pulong, umabot sa 2.36 milyong tonelada ang pag-aangkat ng bigas ng Tsina noong taong 2012, bagay na magpapataas ng presyo ng pagkaing-butil sa buong mundo, at magbubunsod ng pandaigdig na krisis ng pagkaing-butil. Pero unibersal na ipinalalagay ng mga kalahok sa naturang pulong, na sa kasalukuyan, mahirap na makakaapekto sa presyo ng bigas sa pamilihang pandaigdig ang pagdaragdag ng pag-aangkat ng bigas ng Tsina.
Ayon sa estadistika ng adwana ng Tsina, noong 2012, lumaki ng 3.1 ulit ang pag-aangkat ng bigas ng Tsina kumpara sa taong 2011. Kabilang dito, ang bigas na inangkat mula sa Biyetnam at Thailand ay katumbas ng 70% pataas ng kabuuang bolyum ng pag-aangkat. Ang mga bansang ASEAN ang nagsisilbing pinakamalaking bansang pinanggagalingan ng inaangkat na bigas ng Tsina. Tinaya ng tagapag-analisa na sa kasalukuyang taon, aabot sa 3 milyong tonelada ang pag-aangkat ng bigas ng Tsina.
Sa tingin ng mga dalubhasang kalahok sa pulong, ang mas murang presyo ng bigas sa pamilihang pandaigdig kaysa pamilihang panloob ay siyang pangunahing sanhi ng paglaki ng pag-aangkat ng Tsina. Walang kakulangan ng suplay ng bigas sa loob ng Tsina, pero ang mabilis na pagtaas ng gastos sa produksyon ay humantong sa double-digit na paglaki ng buying price ng bigas, kaya mas nagugustuhan ng mga mangangalakal ang mas murang inaangkat na bigas.
Ipinakikita ng estadistika ng International Grains Council (IGC), nauna rito, na lumitaw ang tunguhin ng paglaki ng kabuuang bolyum ng pagluluwas ng bigas ng 5 bansang ASEAN na kinabibilangan ng Thailand, Biyetnam, Kambodya, Myanmar at Laos. Sa kasalukuyan, lumapas na sa 20 milyong tonelada ang bilang na ito, na katumbas ng 2/3 pataas ng kabuuang bolyum ng pagluluwas ng bigas sa buong mundo.
Unibersal na ipinalalagay ng mga kalahok sa pulong na sa kasalukuyan, may tunguhin ng pagbaba ang presyo ng bigas sa buong daigdig. Nanawagan si Boonsong Teriyapirom, Ministro ng Komersyo ng Thailand, na kailangang igarantiya ng ASEAN ang katatagan at pagkakaisa ng presyo ng pagluluwas ng bigas.