|
||||||||
|
||
Kahapon sa Annenberg Retreat, California, nagsagawa ng ika-2 round ng pagtatagpo sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Barack Obama ng Estados Unidos. Inilahad nila ang kalagayan at patakarang pangkabuhayan ng kani-kanilang bansa, at nagpalitan din ng palagay hinggil sa relasyong pangkabuhayan ng dalawang bansa.
Tinukoy ni Xi na ang relasyong pangkabuhayan ay mahalagang pundasyon ng relasyong Sino-Amerikano. Umaasa aniya ang panig Tsino na isasagawa ng E.U. ang responsableng patakaran sa makro-ekonomiya, pag-iingatan ang epekto ng patakarang ekonomiko at pinansyal nito sa ibang bansa, igigiit ang malayang kalakalan, at tututulan ang trade protectionism. Nanawagan din siya sa E.U. na paluwagin ang restriksyon sa pagluluwas ng mga produkto ng hay-tek sa Tsina, lumikha ng pantay-pantay na kapaligiran para sa pamumuhunan ng mga bahay-kalakal na Tsino sa E.U., at igarantiya ang kaligtasan ng pamumuhunan ng Tsina sa bansa. Iminungkahi niyang palakasin ng Tsina at E.U. ang kooperasyon sa mga mahalagang larangan na gaya ng bilateral na pamumuhunan, enerhiya, konstruksyon ng imprastruktura, at iba pa.
Ipinahayag din ni Xi na mabunga ang kanyang mga pakikipagtagpo kay Obama sa kasalukuyang biyahe. Ipinakikita aniya ng mga ito ang mga positibong signal sa komong hangarin ng dalawang bansa ng pagpapalakas ng estratehikong pag-uugnayan at pagtitiwalaan, pagtatatag ng bagong relasyon, at pagpapasulong sa kapayapaan, katatatagan, at kasaganaan ng Asya-Pasipiko at buong daigdig. Binigyang-diin din niyang dapat ibayo pang paunlarin ang relasyong Sino-Amerikano, palawakin ang kooperasyon, at palagiang igiit ang tumpak na direksyon ng relasyon ng dalawang bansa.
Ipinahayag naman ni Obama na ang pag-uugnayang pangkabuhayan ng E.U. at Tsina ay may kinalaman sa katatatagan at kasaganaan ng kapwa bansa, at magdudulot din ng mahalaga at positibong epekto sa kabuhayang pandaigdig. Mainitang tatanggapin aniya ng E.U. ang mga bahay-kalakal na Tsino na mamuhunan sa bansa, at isasagawa ang mga hakbangin para paluwagin ang restriksyon sa pagluluwas ng mga produkto ng hay-tek sa Tsina. Nagpahayag din si Obama ng pag-asang palalakasin ng E.U. at Tsina ang kooperasyon sa kabuhayan, kalakalan, enerhiya, at iba pang larangan.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |