|
||||||||
|
||
Kinumpirma kahapon ni Leila de Lima, Kalihim ng Katarungan ng Pilipinas ang rekomendasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) na sampahan ng mga kasong kriminal at administratibo ang mga miyembro ng Philippine Coast Guard (PCG) na sangkot sa pamamaril at pagpatay sa isang Taiwanese noong nagdaang Mayo.
Ipinahayag ni Kalihim De Lima ang nasabing kumpirmasyon sa isang text message mula sa Espanya kung saan kasalukuyan siyang lumalahok sa World Congress Against Death Penalty. Pero, ayaw niyang isiwalat kung anong eksaktong reklamo ang ihahain batay sa rekomendasyon sa ulat ng NBI.
Dagdag pa ni De Lima, naisumite na rin niya ang ulat ng NBI kay Pangulong Benigno Aquino III. Si PNoy aniya ang may kapangyarihan para magpasya kung tatanggapin ang ulat o muling susuriin ang kaso ng legal team niya.
Noong ika-9 ng Mayo, binaril at napatay ng PCG ang isang 65 taong-gulang na mangingisdang Taiwanese na si Hung Shih-Cheng sa karagatan na isang daa't animnapu't apat na (164) nautical miles ang layo sa timog-silangan ng Taiwan.
Salin: Jade
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |