|
||||||||
|
||
Ipininid kahapon ang ika-46 na pulong ng mga ministrong panlabas ng ASEAN. Binigyang-diin ng mga kalahok na ministro na sa harap ng pabagu-bagong kayariang heopulitikal, dapat gumawa ang ASEAN ng namumunong papel sa mekanismo ng kooperasyong panrehiyon. Ipinalalagay ng mga tagapag-analisa na ang mekanismo ng isang serye ng mga pulong ng ASEAN ay makakatulong sa pagpapaibayo ng kooperasyon ng Silangang Asya, maging ng mas malawak na rehiyon.
Sa magkakasanib na komunikeng ipinalabas pagkatapos ng pulong, inulit nitong determinado ang mga bansang ASEAN na isakatuparan ang target ng pagtatatag ng ASEAN Community bago magtapos ang taong 2015. Binigyang-diin din ng komunike na kailangang muling tasahin ng ASEAN ang mekanismo ng operasyon nito, para umangkop sa pinakahuling pagbabago ng kayariang heopulitikal, at maigarantiya ang patuloy na pagpapatingkad ng ASEAN ng namumunong papel sa mekanismo ng kooperasyong rehiyonal.
Nitong nakalipas na ilang taon, mabilis na umuunlad ang kabuhayan ng mga bansang Asyano, at nakakatawag ito ng pansin ng parami nang paraming bansa. Ang ASEAN ay nagsilbing mahalagang plataporma ng pagpapasulong ng pagpapalitan at pagpapalagayan ng iba't ibang panig sa Silangang Asya. Unti-unting binuo ang mga mekanismo na gaya ng tatlong 10+1 (ASEAN plus Tsina, ASEAN plus Hapon, at ASEAN plus Timog Korea), 10+3 (ASEAN plus Tsina, Hapon at Timog Korea), 10+8, at Summit ng Silangang Asya.
Bukod dito, lumalaki rin ang bilang ng mga dialogue partner ng ASEAN. Sa katatapos na pulong ng mga ministrong panlabas ng ASEAN at isang serye ng mga pulong ng mga ministrong panlabas ng ASEAN Forum, bukod sa mga ministrong panlabas ng 10 kasaping bansa, kalahok din sa pulong ang mga ministrong panlabas o kinatawang diplomatiko mula sa 10 dialogue partner ng ASEAN na kinabibilangan ng Tsina, Hapon, Timog Korea, Estados Unidos, Rusya at Unyong Europeo, at mga bansang gaya ng Bangladesh, Hilagang Korea, Mongolia, Pakistan, Papua New Guinea, Sri Lanka, East Timor at iba pa. Sa katunayan, ang pagdami ng dialogue partners ay makakabuti sa pagpapalakas ng katayuan ng ASEAN sa mekanismo ng kooperasyong panrehiyon.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |