Nang sagutin ngayong araw ang tanong ng mamamahayag hinggil sa isyu ng South China Sea, nagpahayag si Tagapagsalita Hua Chunying ng Ministring Panlabas ng Tsina, ng pag-asang igagalang ng panig Amerikano ang katotohanan, at hindi kakatigan ang alinmang panig sa isyu ng South China Sea.
Ani Hua, sa panahon ng ika-5 round ng US-China Strategic and Economic Dialogue, inilahad ng panig Tsino ang sariling simulain at paninindigan sa isyu ng South China Sea. Binigyang-diin aniya ng panig Tsino na buong tatag na pangangalagaan ang teritoryo, soberanya, at karapata't kapakanang pandagat nito, samantalang magkokonsentra sa paglutas sa mga alitan sa pamamagitan ng pakikipagtalastasan sa mga bansang may direktang kaugnayan. Dagdag pa niya, umaasang susundin ng mga kinauukulang bansa ang pangako sa maayos na paghawak at paglutas sa mga may kinalamang alitan, sa pamamagitan ng bilateral na pagsasangguniang pangkaibigan.
Salin: Vera