|
||||||||
|
||
Ang kasalukuyang taon ay ika-10 anibersaryo ng pagkakatatag ng estratehikong partnership ng Tsina at ASEAN. Sa isang news briefing kahapon, ipinahayag ni Ginang Gao Yan, Pangalawang Ministro ng Komersyo ng Tsina, na nitong nakalipas na 10 taon, mabilis ang pag-unlad ng kooperasyon sa bilateral na kabuhayan at kalakalan, at maaga ring naisakatuparan ang mga target sa iba't ibang yugto. Sa taong 2015, may pag-asang umabot sa 500 bilyong dolyares ang kabuuang halaga ng bilateral na kalakalan ng kapuwa panig.
Nitong nagdaang 10 taon, malaki ang itinaas ng bilateral na kalakalan ng Tsina at ASEAN, at walang humpay na lumawak ang kanilang pamumuhunan sa isa't isa. Ayon sa datos ng panig Tsino, noong taong 2012, 400.1 bilyong dolyares ang kabuuang halaga ng bilateral na kalakalan ng kapuwa panig, at umabot na sa 22% ang taunang karaniwang paglaki nito. Ang Tsina ay nagsilbing pinakamalaking trade partner ng ASEAN. Ang ASEAN naman ay hindi lamang ika-3 pinakamalaking trade partner ng Tsina, kundi ika-4 na pinakamalaking pamilihan rin ng pagluluwas at ika-2 pinakamalaking pinanggagalingan ng pag-aangkat ng Tsina.
Nitong nakalipas na mahabang panahon, napanatili ng Tsina ang trade deficit sa ASEAN, pero nagkaroon ng pagbabago ang kalagayang ito sapul noong huling hati ng nagdaang taon. Noong 2012, naisakatuparan ng Tsina ang 8.5 bilyong dolyares na trade surplus sa ASEAN, at ito ay katumbas ng 2% ng kabuuang halaga ng bilateral na kalakalan. Kaugnay nito, ipinahayag ni Gao Yan na ang kondisyong ito ay sanhi ng paglipat ng kalakalan pagkaraang maitatag ng ASEAN ang malayang sonang pangkalakalan sa maraming bansa. Aniya, magsasagawa ang Tsina ng mga hakbanging gaya ng pagpapataas ng lebel ng pasilitasyon, para mapalawak ang pag-aangkat mula sa mga bansang ASEAN.
Kasabay nito, salamat sa pagkakatatag ng China-ASEAN Free Trade Area o CAFTA, humihigpit nang humihigpit ang relasyong pangkabuhaya't pangkalakalan ng Tsina at ASEAN. Sa kasalukuyan, naisakatuparan na ng Tsina ang serong taripa sa 90% pataas na produktong inaangkat mula sa 10 bansang ASEAN. Ang 90% pataas na produktong Tsino ay nagtatamasa naman ng serong taripa sa pagluluwas sa 6 na bansang ASEAN.
Kaugnay ng isyung kung makakaapekto o hindi ang kalagayan sa South China Sea sa kalakalan ng Tsina at ASEAN, nagpahayag si Gao Yan ng pag-asang malilikha ng iba't ibang bansa ang mainam na atmospera para sa pag-unlad ng kooperasyon ng magkabilang panig.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |