Ipinalabas ngayong araw ng Ministri ng Depensa ng Hapon ang midterm report hinggil sa bagong National Defense Program Outline. Anang ulat, dapat palakasin ang kakayahan ng Hapon sa pagharap sa bantang dulot ng ballistic missile ng Hilagang Korea, at ang kakayahan ng Self-Defense Forces kapwa sa lupa at tubig pagdating sa pagtatanggol ng mga isla.
Ang nasabing midterm report ay isang dokumento kung saan inilalakip ang mga mungkahi sa bagong National Defense Program Outline ng Hapon. Anang ulat, humihigpit ang kapaligirang panseguridad ng Asya-Pasipiko. Anito, mabilis na pinasusulong ng Tsina ang modernisasyong militar at pinalalawak ang mga aktibidad sa dagat. Anito pa, nagdedebelop ang H.Korea ng sandatang nuklear at ito ay isang malaking banta.
Binigyang-diin din sa ulat na ang kooperasyong panseguridad ng Hapon at Estados Unidos ay pundasyon ng seguridad ng Hapon, at dapat palakasin ng Hapon ang pakikipagkooperasyon sa E.U., pati na rin sa Australya at Timog Korea. Binanggit din nitong dapat pasulungin ang pakikipagdiyalogo at pakikipagpalitan sa Tsina at Rusya.
Ayon naman sa pag-aanalisa ng Japanese media, tinatalakay ngayon ng pamahalaan ni Shinzo Abe ang pagpapahintulot sa paggamit ng Self-Defense Forces ng karapatan sa collective self-defense. Kaya anila, posibleng magkaroon ng malaking pagbabago ang patakaran sa tanggulang bansa ng Hapon.
Salin: Liu Kai