Sa regular na preskon kahapon, sinagot ni Hua Chunying, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina ang mga tanong hinggil sa isyu ng South China Sea (SCS), 2010 Hong Kong Hostage Tragedy at iba pa.
Kaugnay ng isyu ng South China Sea (SCS), ipinahayag ni Hua ang sumusunod na punto: Una, walang problema at hindi magiging problema ang malayang paglalayag sa SCS. Ikalawa, mahigit sampung taong nakaraan, narating na ng Tsina at mga bansang ASEAN ang Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea (DOC). Batay rito, dapat lutasin ang mga alitan sa pamamagitan ng mga bansang may direktang kinalaman sa pamamagitan ng talastasang pangkapayapaan. Sa Magkasanib na Pahayag bilang Paggunita sa Ika-10 Anibersaryo ng Pagkakatatag ng Estratehikong Partnership ng Tsina't ASEAN na ipinalabas sa katatapos na Ika-16 Pulong ng mga Lider ng Tsina't ASEAN, inulit ng kapuwa panig na patuloy na buong-sikap na sundin ang DOC at pasulungin ang talastasan hinggil sa pagtatakda ng Code of Conduct in the South China Sea (COC). Ikatlo, ang ibang bansa na walang direktang kinalaman sa isyung ito ay dapat gumalang sa pagsisikap at napagkasunduan ng Tsina at mga bansang ASEAN para mapangalagaan ang katatagan ng rehiyon.
Kaugnay ng isyu ng Hong Kong Hostage Tragedy na naganap sa Maynila noong 2010, sinabi ni Hua na lubos na pinahahalagahan ng Pamahalaang Tsino ang paglutas sa isyung ito. Noong ika-9 ng buwang ito, sa sidelines ng serye ng mga pulong ng mga lider ng Silangang Asiya sa Brunei, nag-usap dito sina Premyer Li Keqiang ng Tsina at Pangulong Benigno Aquino III ng Pilipinas. Tinukoy ni Premyer Li na tumatagal ang paglutas sa isyung ito at ipinahayag din niya ang pag-asang malutas ito ng panig Pilipino sa lalong madaling panahon. Sinabi naman ni Pangulong Aquino III bilang tugon na patuloy pa rin sa imbestigasyon ang panig Pilipino at magsisikap ito para maayos na lutasin ang isyu. Kaugnay nito, ipinahayag ni Hua na patuloy na pagtutuunan ito ng pansin ng panig Tsino.
Salin: Jade