|
||||||||
|
||
NANINIWALA si dating Pangulong Joseph Ejercito Estrada na napapanahong humingi ng paumanhin sa mga taga-Hong Kong sa pagkasawi ng walo at pagkaksugat ng dalawa sa kanilang mga kababayan noong ika-23 ng Agosto, 2010.
Sa isang panayam ng China Radio International at Hong Kong TV kaninang ika-apat ng hapon, sinabi ni G. Estrada na ngayong Punong Lungsod ng Maynila na siya'y karaniwang mamamayan lamang noong maganap ang insidente kaya't minabuti niyang humingi ng paumanhin ngayong siya na ang punong lungsod.
Wala umanong pressure mula sa Tsina at sa Malacanang ang kanyang desisyon na humingi ng paumanhin. Mahalaga ang Hong Kong para sa kanya sapagkat sa Hong Kong nagpulot-gata ang kanyang mga magulang. Prueba umano ng kahalagahan ng Hong Kong sa kanyang pamilya ang pagkakaroon ng kanyang mga magulang ng sampung anak.
Handa siyang maglakbay sa Hong Kong upang makadaupang-palad ang mga naulila ng hostage crisis at personal na humingi ng tawad. Handa rin siyang makipausap sa mga opisyal ng Hong Kong kung siya'y tatanggapin bilang panauhin.
Lilikom din siya ng salapi mula sa mga kaibigan upang mabigyan ng just compensation ang mga nasawi at nasugatan. Tiniyak din niya ang kaligtasan ng mga turista samantalang nasa Lungsod ng Maynila.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |