Kamakailan, nangulo si Premiyer Li Keqiang ng Tsina sa Talakayan sa Kalagayang Pangkabuhayan para dinggin ang kuru-kuro ng mga dalubhasa at namamahalang tauhan ng mga bahay-kalakal ng Tsina hinggil sa kalagayang pangkabuhayan sa kasalukuyan at gawaing pangkabuhayan sa hinaharap. Ipinahayag ni Li na malapit na malapit nang matapos ang taong ito, at ang panahong ito ay masusi para sa mainam na pagtatapos ng gawain sa taong ito at pagsisimula ng gawain sa susunod na taon. Dapat malawak na pakinggan ang kuru-kuro ng iba't ibang sirkulo para makagawa ng tumpak na kapasiyahan at makatwirang makumpirma ang target ng pag-unlad ng kabuhayan.
Sa talakayang, uminog sa kalagayang pangkabuhayan sa loob at labas ng bansa, tunguhin ng kabuhayan sa susunod na taon at iba pang tema, ipinahayag ng mga dalubhasa sa macro-control economy, pinansiya at iba pang larangan ang kani-kanilang kuru-kuro. Iniharap rin ng mga namamahalang tauhan ng mga bahay-kalakal sa iba't ibang industriya ang kanilang mga palagay hinggil sa kalagayan ng operasyon ng mga bahay-kalakal sa kasalukuyan, pag-unlad ng iba't ibang industriya, pagtaya sa pag-unlad ng mga industriya sa susunod na yugto at iba pa.
Mataimtim na pinakinggan ni Li ang kuru-kuro ng mga dalubhasa at mangangalakal. Nakipagpalitan rin siya ng palagay sa kanila hinggil sa relebanteng paksa. Ipinahyag ni Li na sa kasalukuyan, ang kabuhayan ng Tsina ay pumasok na sa bagong yugto ng pag-unlad. Hindi aniya realistiko ang pagpapanatili ng Tsina ng dating mataas na paglaki ng kabuhayan, pero, ang pag-unlad ay nananatili pa ring pundasyon ng paglutas sa lahat ng problema.
Bukod dito, ipinahayag rin ni Li na dapat komprehensibong palalimin ang reporma para maisakatuparan ang target ng pagtatag ng paglaki ng kabuhayan, pagsasaayos ng estrukturang pangkabuhayan, at pagbabago ng pamamaraan ng pagpapa-unlad ng kabuhayan. Sinabi niya na sa kasalukuyan, malaki pa rin ang espasyo para sa reporma, at sa pamamagitan ng reporma, maaaring malutas ang mga problema ng pag-unlad ng kabuhayan at lipunan ng Tsina na tulad ng pagpapalawak ng konsumo, panghihikayat ng pamumuhunang di-pampamahalaan, paggarantiya sa pundamental na pangangailangan sa buhay ng mga mamamayan, at iba pa.
Sa bandang huli, binigyan-diin ni Li na dapat pabutihin ang gawaing pangkabuhayan, at patuloy na pasulungin ang reporma para makapaghatid ng mas maraming benepisyo para sa mga mamamayan.
Salin:Sarah