Sinabi kahapon ni Xie Zhenhua, Puno ng Delegasyong Tsino sa kasalukuyang UN Climate Change Conference at Pangalawang Direktor ng Pambansang Komisyon sa Pag-unlad at Reporma ng Tsina, na dapat tumpak na tupdin ng mga maunlad na bansa ang kanilang pangako sa pagbibigay-pondo sa International Climate Change Fund. Aniya, ito ay susi para magtagumpay ang kasalukuyang pulong.
Sa idinaraos na UN Climate Change Conference sa Warsaw, Poland, sinabi ni Xie na ang pondo ay pundasyon at paunang kondisyon para sa lahat ng mga aksyon ng mga umuunlad na bansa bilang pagharap sa pagbabago ng klima. Aniya, kung hindi tutupdin ang nabanggit na pangako, kinakaharap ng multilateral na mekanismo ng pagharap sa pagbabago ng klima ang grabeng krisis sa pagtitiwala.
Batay sa mga narating na resolusyon ng mga nagdaang UN Climate Change Conference, mula noong 2010 hanggang 2012, dapat magkaloob ang mga maunlad na bansa ng 30 bilyong Dolyares, para pasimulan ang Green Climate Fund. At simula naman sa taong ito hanggang 2020, dapat magkaloob sila bawat taon ng 100 bilyong Dolyares, bilang tulong sa mga umuunlad na bansa sa pagharap sa pagbabago ng klima. Pero, karamihan sa mga pondong ito ay hindi pa ipinagkakaloob.
Salin: Liu Kai