Animnaraan at labing-isang (611) Syrianong sibilyan ang inilikas mula sa lumang lunsod ng Homs sa gitnang bahagi ng Syria.
Ito ay ginawa ayon sa kasunduan ng pansamantalang tigil-putukan na narating ng Pamahalaan at oposisyon ng Syria, sa pamamagitan ng United Nations, para matiyak ang ligtas na paglabas ng mga sibilyan mula sa nasabing lugar ng sagupaan. Ito ang ikalawang batch ng inilikas na sibilyan batay sa nabanggit na kasunduan. Kasabay nito, nakarating na rin sa naturang lunsod ang isa pang kargada ng makataong materyal para matulungan ang mga sibilyang nananatili pa rin doon.
Nilagdaan ng Pamahalaan at oposisyon ng Syria ang tatlong araw na tigil-putukan sa lumang lunsod ng Homs noong ika-6 ng buwang ito. Sa kasalukuyan, pinag-uusapan ng iba't ibang may kinalamang panig ang hinggil sa posibilidad ng pagpapalawig ng tigil-putukan para mailikas ang lahat ng mga sibilyan na gustong lumabas sa pinaglalabanang lugar. Napag-alamang humigit-kumulang sa 3,000 sibilyan ang istranded sa lumang lunsod ng Homs.
Salin: Jade