Ipinahayag kahapon ni Tagapagsalita Hua Chunying ng Ministring Panlabas ng Tsina na sa mula't mula pa'y bukas ang panig Tsino sa pagbalangkas ng "Code of Conduct in the South China Sea (COC)." Nakahanda aniya ang Tsina na kasama ng mga bansang ASEAN, magkakasama at maayos na pasulungin ang proseso ng pagsasanggunian sa COC.
Ani Hua, noong Setyembre ng nagdaang taon, idinaos sa Suzhou, Tsina ng iba't-ibang panig ang Ika-6 na Pulong ng mga Mataas na Opisyal at Ika-9 na Joint Working Group Meeting tungkol sa pagsasakatuparan ng "Declaration on the Conduct of the Parties in the South China Sea (DOC)", at malalimang nagpalitan sila ng kuru-kuro hinggil sa komprehensibo at mabisang pagsasakatuparan ng nasabing Deklarasyon, at pagpapalakas ng kooperasyon sa dagat. Nagsanggunian din sila hinggil sa COC sa balangkas ng pagsasakatuparan ng Deklarasyon, at natamo ang positibong bunga.
Salin: Li Feng