|
||||||||
|
||
NANINIWALA sina G. Chito Sta. Romana, dating ABC Beijing Bureau Chief at Prof. Richard Javad Heydarian ng Ateneo de Manila University na sa wakas ng mga pahayag ng Tsina at Pilipinas at magiging desisyon ng International Arbitral Tribunal ay mag-uusap pa rin ang magkabilang panig.
Naging panauhin sina G. Sta. Romana at Prof. Heydarian sa idinaos na Tapatan sa Aristocrat kaninang umaga, isang linggo bago ang nakatakdang pagdalaw ni Pangulong Barack Obama sa Pilipinas.
Kahit pa umano lumamig ang dating mainit na relasyon ay magkakaharap din ang Tsina at Pilipinas sa mga napipintong mag-uusap sa mga susunod na panahon.
Ipinaliwanag pa ni G. Sta. Romana na sa isyu ng usaping inilunsad ng Pilipinas sa International Arbitral Tribunal, malamang na hindi lumahok ang Tsina sa usapin sapagkat hindi naniniwala ang Tsina sa multilateral approach sa usapin bagkos ay naninindigang mas makabuluhan ang bilateral o pag-uusap ng magkabilang panig.
Ipinaliwanag pa niya na patuloy ng paglalabas ng pahayag ang Tsina sa mga mamamahayag tungkol sa kanilang posisyon sa isyu. May mga dalubhasang Tsino na naglabas ng kanilang mga pananaw hinggil sa kontrobersyal na nine-dash line na ang sandiga'y kasaysayan at kalakaran sa politika.
Para kay Prof. Heydarian, ang napipintong pagdalaw ni Pangulong Barack Obama ng Estados Unidos ay masusing pag-aaralan at susundan ng mga dalubhasa sa foreign policy sapagkat dadalaw din siya sa Malaysia at South Korea. Babantayan ang kanyang magiging pahayag lalo pa't nagkaroon ng mga pahayag ang Pilipinas tungkol sa 'di pagkakaunawaan sa Tsina hinggil sa south China Sea.
Dumalo sa Tapatan sa Aristocrat ang mga mamamahayag ng nangungunang mga pahayagan at telebisyon, kabilang na rin ang ilang foreign correspondents at mga kinatawan ng Vietnamese at U. S. governments.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |