|
||||||||
|
||
Si Liu Zhenmin, Pangalawang Ministrong Panlabas ng Tsina
Sa panahon ng kanyang paglahok kamakailan sa Thailand sa Ika-7 Pulong hinggil sa Pagpapatupad ng Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea (DOC), nagpalabas ng artikulo si Liu Zhenmin, Pangalawang Ministrong Panlabas ng Tsina, na nagsasabing nakahanda ang kanyang bansa, kasama ng mga kapitbansa, na pasulungin ang kooperasyon at pamahalaan ang mga pagkakaiba, sa pamamagitan ng diwang "He," terminong Tsino para sa kapayapaan at pagtutulungan.
Sa artikulong ito, sinariwa ni Liu ang magandang pag-unlad ng relasyon ng Tsina at mga bansang ASEAN nitong mga taong nakalipas. Aminado siyang ang hidwaan sa teritoryo sa South China Sea ay isang isyung mapanghamon, pero aniya, ipinapangako ng Tsina na hahawakan ang isyung ito sa pamamagitan ng diwang "kapayapaan at pagtutulungan." Sinabi ni Liu na batay sa diwang ito, nilagdaan noong 2002 ng Tsina at mga bansang ASEAN ang DOC, narating nila noong 2011 ang guidelines for follow-up actions para sa pagpapatupad ng DOC, at noong 2013 naman, sinimulan nila ang pagsasanggunian hinggil sa Code of Conduct (COC) in the South China Sea. Dagdag niya, sa kabila ng umiiral na hidwaan, matatag ang pangkalahatang kalagayan sa South China Sea, hindi apektado ang malayang nabigasyon sa karagatang ito, at ang Silangang Asya at Timog-silangang Asya ay nagiging rehiyong may pinakamasiglang kabuhayan sa daigdig.
Para ibayo pang mapapasulong ang kooperasyong Sino-ASEAN at maayos na mahahawakan ang nabanggit na hidwaan sa pamamaigtan ng ideyang "He," iniharap din ni Liu ang tatlong paninindigan. Una, gawing batayan ng kooperasyon ang paggagalangan at pagbibigayan. Ikalawa, gawing susi sa paglutas sa mga pagkakaiba ang matapat na pag-uugnayan at pakikitunguhan sa isa't isa. At ikatlo, gawing komong target ng kooperasyon ang mutuwal na kapakinabangan at maharmonyang pag-unlad.
Salin: Liu Kai
Iklik ang link https://filipino.cri.cn/301/2014/04/25/103s128154.htm para sa buong teksto sa wikang Ingles ng nabanggit na artikulo ni Liu Zhenmin.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |