|
||||||||
|
||
Sina Premyer Li Keqiang ng Tsina at PM David Cameron ng Britaniya
Sa kanilang taunang pag-uusap kahapon ng hapon sa London, buong pagkakaisang sinang-ayunan nina Premyer Li Keqiang ng Tsina at Punong Ministro David Cameron ng Britanyaang pagpapasulong ng bilateral na relasyon ng dalawang bansa sa bagong antas.
Sinabi ni Li na dapat palawakin ng dalawang bansa ang bolyum ng bilateral na kalakalan, pahigpitin ang mga kooperasyon sa nuclear energy, high-speed railway, imprastruktura, pinansiya, kalusugan, abiyasyon, edukasyon, at kultura.
Sumang-ayon si Cameron sa mga mungkahi ni Li. Ipinahayag niya ang pagtanggap sa pamumuhunan ng mga bahay-kalakal ng Tsina at pag-aaral ng mga estudyanteng Tsino sa Britanya. Sinabi rin niya na nakahanda ang kanyang bansa na pasulungin ang talastasan ng kasunduan sa pamumuhunan ng Tsina at Unyong Europeo (EU), at konstruksyon ng malayang sonang pangkalakalan ng Tsina at EU.
Sa news briefing pagkatapos ng kanilang pag-uusap, lumagda ang dalawang panig sa mga dokumentong pangkooperasyon sa larangan ng pinansya, edukasyon, enerhiya at imprastruktura.
Sinabi pa ni Li na ang pagpapalalim ng kooperasyon ng Tsina at Britanya ay nakakabuti, hindi lamang sa kanilang sarili, kundi sa buong daigdig.
Ipinahayag naman ni Cameron na patuloy na pananatilihin ng kanyang bansa ang pakikipagkoordinahan at pakikipag-ugnayan sa Tsina sa mga isyung panrehiyon at pandaigdig, para pasulungin ang kapayapaan, katatagan at kaunlaran ng buong mundo.
Salin: Ernest
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |