BEIJING, Tsina—Ipininid kahapon ang dalawang-araw na Ika-anim na Diyalogong Estratehiko at Ekonomiko ng Tsina at Amerika. Narating nila ang malawak na komong palagay.
Kaugnay ng diyalogong estratehiko, inulit ng dalawang bansa na pahihigpitin nila ang kanilang pagpapalitan sa mataas na antas, at pananatilihin ng dalawang puno ng estado ang kanilang regular na pag-uugnayan sa pamamagitan ng diyalogo, pagdalaw sa isa't isa at pagpapalitan ng mensahe. Sumang-ayon din ang dalawang bansa na pahigpitin ang kanilang pagtutulungan sa pakikibaka laban sa terorismo, pagbibigay-dagok sa korupsyon, isyung pandagat, kaligtasang nukleyar, at iba pa.
Ipinagdiinan din ng dalawang bansa na igalang ang soberanya at kabuuan ng teritoryo ng isa't isa at lutasin ang mga alitan sa paraang konstruktibo. Inulit ng Tsina ang paninindigan sa mga sensitibong isyu ng dalawang bansa na may kinalaman sa Taiwan, Tibet, South China Sea, East China Sea. Nanawagan ang Tsina sa Amerika na hawakan ang nasabing mga isyu nang walang kinikilingan.
Kaugnay ng diyalogong ekonomiko, nangako ang dalawang bansa na pahigpitin ang kanilang pagpapalitan sa mga patakaran sa macro-economy. Palalakasin din nila ang kanilang pagtutulungan sa ilalim ng balangkas ng G-20 para mapasulong ang reporma ng pangangasiwa sa pandaigdig na pinansya. Sumang-ayon ang dalawang bansa na magkasundo hinggil sa mga pangunahing paksa ng kasunduan sa bilateral na pamumuhunan sa loob ng taong ito.
Salin: Jade